SEN. TRILLANES A-TAPANG A-TAO NAGPAPASAKLOLO?

PRO HAC VICE

Naniniwala ako noon na maninindigan itong si Senator Antonio Trillanes IV sa kanyang mga binitawang salita na kaya niyang panindigan o patunayan sa Makati City Regional Trial Court na lehitimo ang kanyang pagkaabsuwelto sa kasong rebellion dahil sa ipinagkaloob na amnestiya sa kanya ng Aquino administration.

Pero ano ito?! Bakit ngayon ay tila hindi na nito mapanindigan ang kanyang mga pahayag noon, at ngayo’y nagpapasaklolo na siya sa court of appeals?

Pahiwatig ba ito na nabahag na ang buntot ng senador? O dahil nakita nito na mayroong sapat na basehan ang Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General sa pagbuhay ng kasong rebelyon laban sa kanya.

Nakasaad kasi sa inihaing petition for certiorari ni Sen. Trillanes, sa Court of Appeals (CA) na may petsang Marso 1-11, 2019, na humihiling ito na mag-isyu o magpalabas ang appellate court ng temporary restraining order upang mapigilan itong si Makati City RTC branch 150 Judge Elmo Alameda na ipagpatuloy ang pagdinig sa naturang kaso dahil sa umano’y umabuso sa kanyang katungkulan si Judge Alameda nang muling dinggin ang kasong rebelyon laban sa senador gayong siya umano’y napawalang-sala na sa naturang reklamo dahil sa nakamtang amnestiya.

Pinahaharang din ni Trillanes sa CA ang ipinalabas na kautusan ni Judge Alameda na pumabor sa mosyon ng DOJ na ipa­aresto siya at isailalim sa hold departure order dahil sa kasong rebelyon.

Sa ngayon ay nai-raffle na ng CA raffle committee ang inihaing petition ni Sen. Trillanes at ito’y napunta kay CA Associate Justice Apolinario Bruselas Jr.

Paano kung i-deny ng court of appeals ang kahili­ngan ni Sen. Trillanes? Sa­sabihin niya ba ulit na patay na ang demokrasya sa bansa? O ‘di kaya’y kung anu-ano na namang akusasyon ang ibabato nito sa Court of Appeals gaya noong akusahan niya ang dalawang ma­histrado ng CA na tumanggap ng tig-25 milyong piso nang mag-isyu ang mga ito ng temporary restraining order na pumigil naman sa ipinataw na suspensyon noon ng Ombudsman laban kay dating Makati City Mayor Jun-jun Binay dahil naman sa reklamong katiwalian.  (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

77

Related posts

Leave a Comment