AWAY SA BUDGET DAHIL SA MATAGAL NG AWAY NINA GLORIA AT PING

USAPANG KABUHAYAN

Lumalabas sa bagong kasunduan sa pagitan ng Senado at ng Kamara tungkol sa isyu ng 2019 General Appropriations Act (GAA) na dahil lang talaga sa matagal nang away sa pagitan nina Senador Panfilo Lacson at Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang away kung sino ang tama o mali sa dalawang Kamara ng Kongreso.

Ibabalik na raw ng Kamara o House of Representatives ang orihinal na GAA na pinagkasunduan ng bicameral conference committee ng dalawang Kamara para hindi na magprotesta ang Senado at mapirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang GAA at magamit na ang mga bagong pondo na inaprubahan para sa mga programa at gastusin ng pamahalaan para sa taong 2019.

Pero ive-veto pa rin ni Pangulong Duterte ang mga bahagi ng 2019 GAA na naglalaan ng lump sum appropriation o mga pondo na buo at hindi hinati-hati sa mga iba’t ibang distrito ng bansa at kung saang ahensya siya dapat gastusin. Magpapatawag na lang daw ng bagong special session si Duterte para muling magkita ang Senado at ang Kamara para pag-usapan muli kung paanong gagawin ang paghahati-hati ng naturang pondo para maibalik sila at magastos ng pamahalaan gaya ng orihinal na panukala ng pamahalaan sa dalawang Kamara ng Kongreso.

Sa madaling salita, tama ang Kamara na hati-hatiin na ang mga naturang pondo imbes na sundin ang orihinal na panukala ni Ping Lacson na ang Pangulo na ang maghati-hati ng lump sum appropriation dahil hindi ito ang trabaho ng Pa­ngulo kundi ng Kongreso.

‘Yun nga lang, dapat ay ipinagpilitan na ng Kamara doon pa lang sa bicameral conference committee ang panukala na hati-hatiin na sa mga iba’t ibang distrito at mga ahensya ng pamahalaan ang mga pondo sa ilalim ng panukalang 2019 GAA para hindi na lumabas na sinolo nila ang pork barrel sa natu­rang budget. Sa totoo lang ay mas malalaki ang pork barrel ng mga senador at si Lacson mismo ay may nakatagong P50 bilyon na pork barrel kung paniniwalaan ang mga kongresista.

Kaya saan nangga­ling ang away na ito tungkol sa 2019 budget ng pamahalaan? Ang away talaga ay dahil si GMA ang Speaker ng Kamara, at dahil matagal nang hindi magkasundo siya at si Ping Lacson at si Lacson ang laging may boses tungkol sa pork barrel sa Senado. Isa pa, kailangan ni Senate President Vicente “Tito Sen” Sotto III ang boto ni Lacson sa susunod na eleksyon ng Senado para sa Senate President kaya malakas ang boses niya ngayon.

Simple lang. Mahirap itago ang peklat ng mga kalmot ng mga nagbabangayang politiko kaya laging naaalala ang mga sakit na naramdaman sa mga sugat ng nakaraan. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

68

Related posts

Leave a Comment