SEN. ZUBIRI, ‘DI MATANGGAP GINAWA NI SEN. BATO SA KANYA

RAPIDO NI PATRICK TULFO

NAPAKASAKIT ang nangyari kay Sen. Juan Miguel Zubiri dahil bukod sa pagbaba niya sa pwesto bilang Senate president, ay tinalikuran pa siya ng isa sa inakala niyang tapat sa kanya.

Isa pala sa mga pumirma sa petisyon para mapalitan siya sa pwesto ay si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na sinaluduhan pa nito sa kanyang talumpati matapos na bumaba ito sa pwesto.

Hindi sukat akalain ni Sen. Zubiri na kasama si Sen. Bato sa mga pumirma sa petisyon, dahil isang dahilan umano ng kanyang pagkakaalis sa pwesto ay ang imbestigasyon na ginawa ng komite na pinamumunuan ni Sen. Bato, sa “PDEA LEAKS”, kung saan pilit na iniuugnay si Pangulong Bongbong Marcos sa isyu ng droga.

Kaya pala bumuhos ang luha ni Senador Dela Rosa nang sinaluduhan siya ni Sen. Zubiri. Hindi na kinaya ng konsensya si Sen. Bato ang pangyayari dahil pinagmukha niyang tanga ito!

Sa kanyang paliwanag naman, sinabi ni Sen. Bato na napilitan na raw siyang sumama sa mayorya dahil pumirma na rin sa petisyon ang kanyang mga kapartido!

Hindi tuloy mapatawad ni Sen. Zubiri si Bato matapos na malaman ang ginawa nito at sinabing lumayo na muna sa kanya matapos na lapitan siya nito kinabukasan.

“Niyakap pa niya ‘yung asawa ko,” dagdag pa ng dating Senate president.

Nauna nang sinabi ni Sen. Zubiri na mayroon siyang nasagasaang malalaking tao sa kanyang talumpati, matapos na bumaba ito sa pwesto.

69

Related posts

Leave a Comment