SENADO AT KAMARA DE REPRESENTANTES NAGBABANGAYAN

RAPIDO ni PATRICK TULFO

TUMITINDI ang sigalot sa pagitan ng Kamara de Representantes at Senado ukol sa isyu ng Charter change.

Inakusahan ng Senado ang mga nasa Mababang Kapulungan na hindi lang ang economic provisions sa konstitusyon ang gusto nitong baguhin bagkus maging ang kasalukuyang anyo ng lehislatura.

Mariin naman itong pinabulaanan ng mga kongresista na ang karamihan ay suportado ang panibagong pagkilos sa pagbabago ng Saligang Batas.

Ilang beses na ring sinubukang baguhin ang konstitusyon sa nagdaang mga panahon pero bigo ang lahat ng ito.

Kasabay ng sigalot sa pagitan ng Senado at Kamara de Representantes, ang tila pagkawasak ng Uniteam na naging susi sa pagkapanalo nina PBBM at VP Sara Duterte.

Sa isang rally na ginanap sa Davao na balwarte ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, binalaan nito ang Pangulo ukol sa Charter change.

Mistulang nanawagan din ang dating pangulo sa PNP at AFP upang protektahan ang kasalukuyang constitution.

Pero noong panahon din naman ni PRRD, sinubukan ng mga kaalyado nito sa Kongreso na baguhin ang 1987 Constitution. Sinang-ayunan pa nga ito ng dating Pangulo pero hindi ito pinagbigyan ng mga mambabatas.

Hindi ko lang maisip kung bakit kinakailangan pa ng dating Pangulo na sabihin na nasa listahan daw ng PDEA si PBBM.

Sa rebelasyong ito ay mas tatamaan si Digong kaysa Pangulong BBM dahil lumalabas na matagal na niyang alam ito pero ngayon lang ibinunyag.

Itinanggi naman ng PDEA na nasa listahan nila si PBBM kahit noon pa, taliwas sa sinabi ni Digong.

40

Related posts

Leave a Comment