SERBISYONG PUBLIKO MUNA TAYO

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NANANAWAGAN ang Philippine Dragon Boat Team sa may mga GININTUANG PUSO na suportahan sila para lalo pa silang makapag-uwi ng karangalan sa Pilipinas kong Mahal.

Ayon kay Philippine Air Force Dragon Boat Team member PAF Retired 2nd Lt. Rodolfo Odescalsota, partikular na tinatawagan niya ay ang gobyerno.

Aniya, dinadala nila ang Philippine Flag sa kanilang pakikipagkumpetensiya sa iba’t ibang bansa sa buong mundo, pero wala silang nakukuhang suporta mula sa pamahalaan.

Ayon pa sa kanya, pang-world class ang Philippine Dragon Boat Team, kahit ang China at India na malalaking bansa ay kanilang tinalo sa kumpetisyong ito.

Binanggit pa ng retiradong miyembro ng Philippine Air Force, na marami na silang naiuwing ginto, silver at tansong medalya sa Pilipinas mula sa pakikipaglaban sa mayayamang bansa.

“Marami na po kaming naiuwing ginto, pilak at tansong medalya sa pamamagitan ng aming Philippine Dragon Boat Team pero wala pa po kaming natatanggap na suporta mula sa ating gobyerno,” pahayag pa niya.

Madalas umanong nagbibigay sa kanila ng suporta tuwing may laban sila sa ibang bansa, ay mga pribadong tao o negosyante na nagmamahal sa kanila.

Kahit pagbati o publicity man lang ay wala silang natatanggap mula sa gobyerno, hinanakit pa ni Ret. 2nd Lt. Odescalsota.

Nakalulungkot kung ganito ang maririnig natin mula sa ating mga atleta na mismo ang gobyerno na siyang nakikinabang sa kasikatan ng Philippine Dragon Boat Team sa buong mundo, ay walang suporta sa ating mga manlalaro. Oh my goodness!

Hindi press release lamang ang dapat na suporta ng gobyerno sa ating mga maglalaro sa Philippine Dragon Boat Team kundi tulong pinansyal lalo na kung may laban sila sa ibang bansa.

Kung tutuusin nga kahit ngayon na walang suporta ang pamahalaan sa kanila ay namamayagpag sila, eh ‘di lalo pa kung may ayuda sa kanila ang gobyerno. Esep-esep din minsan ang ating administrasyon.

oOo

Binabati po natin ang mga bagong halal na officers ng Villa Luisa North Homeowners Association (VILNOHA 2023-2025) sa Brgy. 171, Caloocan City.

Kabilang sa mga ito ay sina Resureccion A. “Rexy” Perilla, President; Melton D. “Lito” Pongos, Vice President; Janet C. Cabading, Treasurer; Marites B. “Tess” Martinez, Secretary; Alipio P. “AL” Salipot, Auditor; Maricel S. “Cel” Escarinas, P.R.O; Board of Directors na sina Willy O. Abarquez, Raquel L. Clemente, Panfila L. “Piling” Lanuza, Nestor B. “Boggs” Moyano, Sonia O. Umpad, Aldrin S. Gutay, at Arturo Q. “Art” Dela Chica.

Sila po ang magpapatakbo ng kaayusan at katahimikan ng aming subdibisyon mula taong 2023 hanggang 2025.

Maraming salamat at mabuhay po ang mga bagong halal na mga opisyal ng VILNOHA.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

166

Related posts

Leave a Comment