SI DATING DILG SECRETARY SARMIENTO AT ANG BAGONG CORPORATE CODE

BAGWIS

MEDYO matagal na ring hindi kami nagkakahuntahan ng ating kaibigang si dating DILG Secretary Mel Senen Sarmiento na siyang natatangi sa mga Aquino cabinet officials na walang kontrobersiya na kinasangkutan. Sa dami ng mga kapalpakan ng Aquino government ay bukod-tanging si Boss Mel lang siguro ang puro positibo ang naging kontribusyon sa bayan.

Noong Miyerkoles ay nagkaroon tayo ng pagkakataon na makakwentuhan nang medyo matagal si Sec. Mel at ipinabatid nito ang lubusang pagkagalak sa pagsasabatas ng mga amiyenda sa umiiral na Corporate Code.

Si Sec. Mel kasi ang orihinal na nagsulong ng mga panukala upang baguhin ang ilang probisyon sa ating Corporate Code sapagkat marami rito ang hindi na akma sa mga umiiral na kalakaran sa pagnenegosyo.

Sa kasamaang palad ay hindi ito umusad noong pa­nahon niya bilang kongresista kaya ang panukala ay muling isinulong ng kanyang kapatid na si incumbent Samar Congressman Edgar Mary Sarmiento.

Sa halip kasi na pinapasigla ng lumang Corporate Code ang pamumuhunan sa bansa ay ginagawa nitong masalimuot ang mga proseso na siya namang dahilan kung bakit nawawalan ng gana ang mga gustong mamuhunan.

Sa ilalim ng bagong Corporate Code, hindi na balakid ang pagkakaroon ng tinatawag na single-ownership sa ating mga korporas­yon dahil tinanggal na ang minimum na bilang ng mga incorporators. This way, hindi na kailangang maglagay pa ng mga dummy incorporators at proxies upang masunod lamang ang patakaran batay sa lumang batas.

At dahil sa Internet, na­ging posible na rin ang iba’t ibang uri ng pakikipagtalastasan kaya’t  pinapahin­tulutan na rin ng bagong batas ang pagkakaroon ng mga board meeting sa pamamagitan ng  teknolohiyang gaya ng Facetime at Video Call.

Dinagdagan din ang minimum capital ng stock corporations sa P1 million at tinanggal naman ang 50 taong term limit para sa isang korporasyon.

“This law would definitely allow business to thrive better as it simplifies the rules on corporate management. As the principal author and the first to file the house bill that amends the 38-year old Corporation Code in the 16th Congress, I am glad that it has finally been signed into law by President Duterte,” ani Sarmiento.

At least, kahit nasa pribadong sektor na itong si Sec. Mel ay hindi naman nababaon sa limot ang kanyang mga nasimulan noong ito ay nagsisilbi pa sa pamahalaan bilang mayor ng Calbayog, bilang kongresista ng Samar at bilang DILG Secretary.  (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

157

Related posts

Leave a Comment