SIGALOT SA SENADO, UMIIGTING!

RAPIDO NI TULFO

KAMAKAILAN nga ay nagbitiw sa pagiging Senate President si Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri sa gitna ng kaliwa’t kanang isyu sa Senado.

Ayon sa mga “tambay” sa Senado, majority ng mga kapwa senador ni Zubiri ang bumoto upang palitan ang kanilang liderato, pito (7) lamang tutol dito.

Palaisipan ngayon sa taumbayan ang dahilan sa biglaang palitan ng liderato sa Senado na humahawak ngayon sa malalaking mga isyu sa bansa.

Kabilang sa iniimbestigahan ngayon ng Senado ang tinatawag na PDEA leaks kung saan dawit ang pangalan ni Pangulong Bongbong Marcos na isa umano sa mga nasa listahan na mga mino monitor ng PDEA.

Ilang senador ang duda sa testimonya ng lumabas na resource person sa imbestigasyon na ito na si Jonathan Morales na isang dating PDEA agent.

Nakiusap nga itong si Sen. Bato Dela Rosa, siyang chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sa kanyang kapwa mga senador na pagbigyan siya sa ginagawang imbestigasyon at hindi naman daw siya “bobo” para paniwalaan ang lahat ng mga sinasabi nitong si Morales.

Isa rin sa mga iniimbestigahan ng Senado ang pagkatao ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na sinasabing “spy” umano ng China sa bansa.

Sa dami ng isinasagawang imbestigasyon ng Senado, paanong nagkakaroon pa sila ng oras para magkampihan at magpalit ng liderato?

Dahil sa palitan na ito ay nabakante ang ilang posisyon sa mga komite sa Senado na maaaring makaapekto sa ginagawang mga imbestigasyon.

55

Related posts

Leave a Comment