SIGE SAKAY PA

0

NAGTALUNAN sa tuwa ang sambayanang Filipino dahil bago sumapit ang isang daang taon, nagkaroon tayo ng kauna-unahang Gold sa ­Tokyo Olympic, sa pamamagitan ni Hidilyn Diaz ng Zamboanga.

Unang sumabak ang mga atletang Filipino sa Olympic noong 1924 at 10 ­medalyang bronze at silver ang nakamit ng mga magigiting na ­manlalaro, pero wala pang gold medal hanggang manalo nga ng gintong medalya si Hidilyn.

Nabaling sa gintong medalya ni Hidilyn ang atensyon ng mga tao sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil saka pumutok ang balita na nanalo ang Pilipinas ng Gold Medal.

Umingay sa social media at maging ang mga nabanas lang sa SONA ni Duterte ay napalitan ng tuwa at galak ang kanilang pagkabanas, kung baga, mula sa lungkot, napalitan ng saya ang pakiramdam ng ­sambayanang Filipino.

Hindi ko lang nagustuhan, ang daming sumakay agad na mga pulitiko sa tagumpay ni Hidilyn.

Kahit ‘yung mga tahimik na pulitiko at hindi nagsasalita sa mga mahahalagang isyung panlipunan ay biglang nakapagsalita.

May mga pulitikong agad na naglabas ng larawan nilang dalawa ni Hidilyn noong manalo ng silver medal sa Rio Olympic noong 2016 na para bang ­sinasabi sa atin na close sila sa atleta.

Okey lang sana na batiin si Hidilyn dahil sa ­karangalan ibinigay niya sa lahing kayumanggi, pero ‘yung palalabasin na para bang sila ang nag-alaga sa atleta ay hindi lang pagsakay ‘yun sa tagumpay, kundi ­sobrang kasipsipan na ‘yun.

Isa sa inabangan ng mga tao ang sasabihin ni Presidential Legal Counsel ­Salvador ­Panelo, lalo na’t may plano itong tumakbo sa senatorial race sa 2022 election.

Tanong nga ng mga mamamahayag: Ano kaya ang masasabi ni Panelo na minsang idinawit si Hidilyn sa grupong gusto raw ibagsak si Pangulong Duterte kasama ang ilang celebrity.

Sumakay nga si ­Panelo at sinabi niya “Her feat makes us Filipinos proud. Her ­getting the gold is a ­testament to the Filipino races talent and indefatigable ­spirit”, kaya may nag-react ng “anong spelling ng plastic?”.

Pero, dalangin ko, huwag pasukin ni Hidilyn ang ­pulitika dahil masisira lang siya ­dahil sa mundong ito, wala kang tunay na kaibigan at ­gagamitin lang ang kasikatan mo ngayon at kapag wala na silang pakinabang sa iyo ay iiwanan ka na sa ere.

Huwag din siyang magpagamit sa mga pulitiko dahil tiyak na maraming kukuha sa kanya para iendorso ang kanilang kandidatura, lalo na ngayong panahon na ng kampanya.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment