SINA CONG. MIKE TAN AT MAYOR KEVIN ANARNA

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA paglipas ng panahon, isa sa mga hamon na patuloy na kinahaharap ng ating lipunan ay ang pangangailangan ng ating nakatatandang mga kababayan. Sa kawalan ng sapat na suporta at serbisyo, marami sa kanila ang nagdurusa sa kahirapan at kawalan ng seguridad sa kanilang pagtanda.

Isang hakbang tungo sa pagtugon sa pangangailangan ng ating senior citizens ay ang pagpapalawak sa saklaw ng terminong “indigent senior citizen.”

Sa ilalim ng umiiral na batas, ang mga senior citizen na mahina, may kapansanan, at walang permanenteng pinagkukunan ng kita ang kinikilala bilang indigent at karapat-dapat sa karagdagang tulong mula sa pamahalaan.

Ngunit, lumitaw ang pangangailangan na repasuhin at palawakin ang depinisyon ng indigent senior citizen. Ito ang layunin ng House Bill No. 10031 na inihain ni Quezon 4th District Congressman Atorni Mike Tan.

Sa panukalang ito, hinahabol ng kongresista ang pagtanggal ng pisikal na kalagayan bilang basehan sa pagiging indigent senior citizen. Hindi na kailangang may mga kapansanan o karamdaman ang isang senior citizen upang makinabang sa mga benepisyong inilaan para sa kanila.

Kapag nakalusot, mas maraming senior citizens ang maaaring makatanggap ng libreng bakuna, social pension, at mandatory PhilHealth coverage. Ito ay isang malaking hakbang upang siguruhing ang bawat nakatatandang Pilipino ay may access sa mahahalagang serbisyong pangkalusugan at pangkabuhayan.

Higit sa lahat, ang pagpapalawak sa saklaw ng indigent senior citizen ay isang pagkilos ng pagkilala sa kanilang kontribusyon at karapatan bilang bahagi ng lipunan. Dapat nating bigyang-pansin at pagtuunan ng pansin ang kanilang pangangailangan upang mapanatili ang kanilang dignidad at kagalingan sa kanilang huling yugto ng buhay.

Samantala, nagpamalas muli ng kahusayan at pagmamalasakit ang pamahalaang bayan ng Silang sa pamamahagi ng cash gift assistance sa ating mga senior citizen at persons with disability (PWDs) sa Barangay Lumil. Ang ganitong hakbang ay nagpapakita ng pagbibigay halaga sa kanilang kontribusyon at pangangailangan sa lipunan.

Naisakatuparan ito sa pangunguna ni Mayor Atty. Kevin A. Anarna, kasama ang mga butihing opisyal na sina Hon. Ivee Jayne Reyes, Hon. Marcos “Macoy” Amutan, Hon. Ivan Amutan, Hon. Eric “Cokiat” Garcia, Hon. Ari Velazco, Hon. Junjang Batingal, Hon. Carlo Madlansacay, Barangay Captain Romeo “Omhi” Toledano, Public Safety Office OIC Allan Tolentino, at sa tulong ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa pamumuno ni Mr. Medardo Arenasa III at Person with Disability Affairs Office (PDAO) sa pangunguna ni Joel M. Bonilla.

Nagpasalamat si Anarna sa walang sawang suporta at pagmamalasakit nina Kapitan Nolasco “Kap Bilo” Guevarra, kasama ang kanyang matatapang na Konsehal, Senior President Amor M. Saico, PWD President Riza P. Sanchez sa kanilang pagtulong at pag-aasikaso sa pag-assist at pagsama sa Team Anarna sa paglalakbay sa bawat tahanan upang maiparating ang tulong pinansyal sa kanilang mga kapwa barangay.

Sa ganitong paraan, patuloy na pinatutunayan ang halaga ng pagkakaisa at pagkalinga sa bawat isa. Patuloy na pagyamanin ang bayanihan spirit upang ang bawat mamamayan, lalo na ang mga nangangailangan, ay makararanas ng tunay na pag-unlad at kalinga mula sa ating pamahalaan at komunidad.

54

Related posts

Leave a Comment