ARAW NG MAGIGITING

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

BUKAS ang Araw ng Kagitingan, ang araw ng paggunita sa isa sa pinakamalagim na piraso ng kasaysayan ng bansa – ang pagbagsak ng Bataan sa kamay ng mga Hapon noong Abril 9, 1942. Kakabit ng Fall of Bataan ang nakakikilabot na death march.

At bukas, sa gitna ng paggunita ng Araw ng Kagitingan ay ibang lagim ang mararamdaman ng mga Pinoy dahil inaasahan na tataas na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Handa na ba ang bulsa ninyo?

Inaasahang papalo mula P1.50 hanggang P1.70 kada litro ang dagdag presyo sa diesel habang ang gasolina ay mula P0.90 hanggang P1.20 kada litro. Ang kerosene ay mula P1.40 hanggang P1.60 kada litro naman.

Ito na ang ikatlong sunod na linggo na tumaas ang presyo ng langis.

Gasino na ang maiuuwing pera ng driver sa pamilya kung ang malaking bahagi ng kita sa pamamasada ay kinakain ng gasolina?

Sabi nga ng Department of Energy ay posibleng sa Hulyo pa magkakaroon ng malakihang rollback.

Marami raw bagay na humahatak sa pagtaas ng presyo gaya ng pag-atake ng Ukraine sa oil refineries ng Russia, ang posibleng paglawak ng labanan ng Israel at Hamas.

Malaki rin ang epekto ng desisyon ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) na hindi muna tataasan ang kanilang produksyon.

May remedyo ba ang gobyerno sa walang humpay na taas presyo ng petrolyo?

Nag-aangkat ng langis ang Pilipinas kaya hindi raw kontrolado ng pamahalaan ang pagtaas o pagbaba ng presyo nito.

Iwas-solusyon?

Eto na. Payo na lang ang puwedeng gawin ng nasa pamahalaan. Tangkilikin na lang daw ng mga motorista ang mga gasolinahan na nagbibigay ng discount o mababa ang presyo.

Aba naman, gagalugarin pa ng mga motorista, lalo ng mga namamasadang driver, ang kinaroroonan ng mga nagbibigay ng discount at mababa ang presyo na sa malamang o hindi ay iilan lang.

Diskarte na naman ng mamamayan ang paiiralin dahil wala namang magagawa ang gobyerno.

Bakit hindi kinakagat ng pamahalaan ang pagdedeklara ng state of traffic calamity na isinusulong ng isang business group. Kung ito ay makatutulong sa paglutas ng problema ay dapat itong sunggaban.

Sabagay, baka iba ang kursunada nilang sunggaban. Parang balewala kasi ang nawawalang P3.5 bilyon kada araw sa ekonomiya ng bansa dahil sa traffic.

Dami namang pera ng Pilipinas pero lumulobo ang utang.

Ayan, humanda na lang sa pagsipa pa ng presyo ng diesel, gasolina at kerosene.

Ang Araw ng Kagitingan para sa iba ay araw rin ng kagipitan.

70

Related posts

Leave a Comment