MULA nang nauso ang makabagong teknolohiya kasabay ng pagsulpot ng internet, napagaan ang buhay ng mga tao pagdating sa komunikasyon at malaki ang naitulong din nito sa negosyo at sa lahat ng sektor ng lipunan.
‘Yung mga dating nag-uusap lang sa pamamagitan ng sulat na dalawang linggong inaabangan ang pagdating ng mga nagdadala ng sulat sa bahay mo ay pwede nang mag-usap sa pamamagitan ng smart phone basta may data lang.
Ang overseas Filipino workers (OFWs) na hindi nakakausap ang kanilang pamilya kung hindi tatawag ay maaari na silang mag-usap nang live sa smart phone at magkumustahan kahit anong oras.
Wala nang pwedeng magtago dahil kahit saang sulok ka ng mundo ay puwede ka nang makontak ng mga kaanak mo, mga kaibigan na matagal nang walang komunikasyon sa ‘yo, basta may account ka sa social media platform tulad ng Facebook, Instagram, Twitter at kung anu-ano pa.
Maraming trabaho rin ang napagaan tulad ng trabaho ng mga mamamahayag dahil kung ang pagbabasehan ang kuwento ng mga journalist noong wala pa ang internet, nagpu-phone in lang sila ng kanilang istorya sa desk pero ngayon ay puwede mo nang ipadala ang istorya mo sa desk sa pamamagitan ng Yahoo, GMail at kung anu-ano pa.
Pero kung may mabubuti at magagandang idulot ng makabagong teknolohiya, mayroon ding masama tulad na lamang ang nangyayari sa ating mga kabataan ngayon na maagang mapaririwara dahil sa social media.
Kahit sino ay nababahala sa ulat ng Population Commission (PopCom) na 576 babies ang naipapanganak ng teenage moms at isa sa mga itinuturong dahilan dito ay ang social media.
Hindi na ito nakapagtataka dahil kahit wala pa sa tamang edad ay mayroon ng account sa social media at napapadali sa kanila ang makakilala ng kung sinu-sinong mga tao.
Idagdag mo pa riyan ang mga bawal na impormasyon na nakikita ng mga kabataan sa social media na naaaccess nila kahit anong oras kaya marami sa kanila ang naiimpluwensyahan at ginagawa nila ang mga nakikita nila.
Noong estudyante ako ay penpal lang ang uso pero bihira noon ang napapariwarang kabataan. Pero ngayon, nakakatakot na ang sitwasyon para sa mga pag-asang ito ng bayan dahil sa social media.
Panahon na siguro para higpitan ng mga magulang ang kanilang mga anak at tingnan kung sinu-sino ang kausap nila sa social media, baka ang mga ito ang magpahamak sa mga bata. (DPA/ BERNARD TAGUINOD)
286