BALYADOR ni RONALD BULA
MISMONG si Senator Ronald “Bato” dela Rosa ay inaming may mga kongresista siyang nakausap at kinumpirma na sila ay sumusunod lamang sa utos ng liderato ng Kamara hinggil sa pagpapapirma para sa People’s Initiative sa Charter change (Cha-cha).
Ayon kay Dela Rosa, may ilang kongresista ang tumawag sa kanya at nagpasintabi na sila ay sumusunod lamang sa utos ng kanilang speaker sa pagpapapirma para sa Cha-cha.
May mga impormasyon din siyang natanggap na kapalit ng lagda ay ang pag-iisyu ng claim stub para sa ayuda na aabot sa halagang P100 at mayroong P3,000.
Nang matanong si Dela Rosa kung sa PBA Party-list ba ang tinutukoy na kongresista na nagpapapirma sa Davao, sinang-ayunan ito ng senador na ito nga ang nakarating sa kanya na impormasyon.
Aminado si Dela Rosa na mahirap ding sisihin ang mga kongresista na sumusunod lamang sa utos ng kanilang lider dahil survival ang ipinaiiral ng mga ito.
Samantala, mariin namang pinabulaanan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na siya ang nag-utos na mangalap ng mga pirma sa People’s Initiative para sa isinusulong na pag-amyenda sa economic provisions para sa 1987 Constitution.
Tugon ito ni Romualdez nang hingian ng reaksyon ukol sa sinabi ni Senator Dela Rosa na mayroon umanong isang kongresista ang nagsabi sa kanya na ang pangangalap ng lagda para sa People’s Initiative ay alinsunod sa direktiba ni Speaker Romualdez.
Diin ni Romualdez, hindi niya alam kung ano ang sinasabi ni Senator Dela Rosa.
Dagdag pa ni Romualdez, mainam na huwag na siyang magkomento sa pahayag ni Senator Dela Rosa lalo’t hindi naman nito pinangalanan kung sino ang kongresista ang kanyang nakausap.
@@@
Para sa suhestiyon at reaksyon, tumawag sa 09397177977 / 09368625001 o ‘di kaya mag-email sa balyador69@gmail.com
180