SOLUSYON SA KRISIS

HINDI na bago ang krisis sa mamamayang Pilipino. Ang totoo, higit na kilala ang mga Pinoy na matibay at may kakayahang bumangon kahit pa sa pinakamatinding hamon – kalamidad, digmaan, maruming pulitika, pandemya at maging sa larangan ng ekonomiya.

Sa dinaranas na krisis na dulot ng patuloy na sagupaan sa pagitan ng dalawang oil-exporting countries – ang Ukraine at Russia, tila nakalimutan ng pamahalaan ang punong dahilan kung bakit tayo pinupuntirya at ini-interes ng mga dayuhan.

Ang totoo, walang dahilan para mabalisa ang Pilipinas kung noon pa lang ay pinag-ukulan na ng pansin ang ating mga nakatagong likas na yaman.

Hindi naman lingid sa marami na mayroong mayamang deposito ng langis sa gawing katimugan ng bansa, partikular sa Liguasan at Sulu – bukod pa sa natural gas sa karagatang sakop ng exclusive economic zone ng bansa sa bandang Palawan.

Matagal nang panahon nang kumpirmahin ng mga dayuhang eksperto ang hindi bababa sa $1 ­trilyong halaga ng langis na nakabaon sa malawak na bahagi ng Mindanao kung saan naggigitgitan ang mayayamang mga angkan sa hangaring makontrol ang Liguasan.

Mismong ang Philippine National Oil Company (PNOC) ang nagpatunay ng yaman ng Liguasan Marsh. Katunayan, taong 1994 pa noong umpisahan nila ang pagsasaliksik at pag-aaral sa nasabing lugar.

Ang nasabing pagsasaliksik ay bahagi ng kanilang Geophysical Survey and Exploration Contract (GSEC) 73, na sumasakop sa mga lalawigan ng Maguindanao, North Cotabato, South Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, Davao, at Bukidnon.

Katuwang sa nasabing pag-aaral ng PNOC ang Petronas, ang pinakamalaking oil company sa bansang Malaysia.

Sa laki ng potensyal ng Liguasan Marsh, lubos na nakapagtatakang kabilang ang mga lalawigan at bayang binabagtas ng Liguasan Marsh sa hanay ng mga pinakamahihirap sa buong bansa.

Ang masaklap, tila walang plano ang ­gobyernong pagtuunan ang isang proyektong may kakayahang bumago ng tadhana ng bansa at ng mamamayang Pilipino.

Bukod pa sa langis, mayroon ding kakayahan lumikha ng enerhiya ang bansa gamit ang sikat ng araw (solar energy), lagaslas ng tubig sa mga ilog, sapa at talon (hydro energy), init ng bulkan ­(geothermal energy), basura (methane), hangin at maging ang nakatenggang nuclear power plant.

Ang tugon ng mga nakalipas na administrasyon – NGANGA!

245

Related posts

Leave a Comment