SSS PAHIRAP SA SENIOR CITIZENS AT PWDs?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

NGAYONG panahong digital o computerized na ang lahat ng mga sistema sa halos lahat ng mga ahensya ng gobyerno, hirap ang mga kababayan nating senior citizens at PWDs dahil dito.

Ilang report na ang nakarating sa Rapido na taun-taon ay kinakailangan palang magpasa ng requirement ang mga pensioner o beneficiaries ng namatay na member, ganoon din ang mga pensyonadong may permanent disability, sa opisina ng SSS (Social Security System).

Ayon sa Annual Confirmation of Pensioner’s Program o ACOP, mamimili umano ang mga pensyonadong member ng SSS kung sila ay pupunta sa SSS office o magpapadala ng requirements sa pamamagitan ng email. Sakali raw na hindi maka-comply o makapagpasa ng requirement ang senior citizens at PWDs ay matitigil ang natatanggap nilang pensyon.

Mapapaisip ka tuloy kung ilan sa senior citizens at PWDs ang may kakayanang magbyahe o maglakad papuntang SSS office? Ilan sa mga senior citizen ang magaling sa computer at magpindot-pindot sa kanilang website? Ilan ang senior citizens at PWDs na may kaanak na maaaring hingan ng tulong para makapag-email o makapagpadala ng requirement sa SSS.

Maaari rin daw mag-request ang senior citizens at PWDs ng video conferencing sa mga tauhan ng SSS upang masiguradong buhay pa at maayos pa ang lagay ng senior citizen o ng PWD pensioners. Pero inaabot daw ng deadline sa sobrang tagal ng paghihintay bago mapagbigyan ng schedule.

Dahil dito, sabi ng nakausap naming senior citizen at PWD, hirap sila na sumunod sa patakarang ginawa na ito ng SSS.

Sa aking suhestyon, maaari namang makipag-ugnayan ang SSS sa DSWD o sa Barangay na nakasasakop sa mga member, upang masamahan silang puntahan nang bahay-bahay ang mga miyembro. Sa ganitong sistema ay makikita nila nang personal ang kalagayan ng mga pensyonado nang hindi nahihirapan ang mga ito na pumunta pa sa opisina o manghingi ng tulong para lang makapag-email.

Sabi tuloy ng ibang senior citizens, dini-delay lang yata ng SSS ang proseso upang tuluyang maputol ang kanilang pension na siyang inaasahan nila kada buwan.

58

Related posts

Leave a Comment