STAFF NI CONG. TEVES NA DINAMPOT NG CIDG NI-RELEASE NG DOJ

KAALAMAN Ni Mike Rosario

MAKAAPEKTO kaya sa pagdadawit kay Negros Oriental 3rd District Cong. Arnie Teves hinggil sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo, ang ginawang pag-release sa staff niya na dinampot ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Dumaguete City noong Marso 15, 2023?

Kamakailan, nagpasaklolo sa Commission on Human Rights (CHR) si Hazel Sumerano kasama si Atty. Toby Diokno, matapos damputin ng mga tauhan ng CIDG ang kanyang kapatid na si Hannah Mae Oray at asawa nito na si Heracleo Oray sa nasabing lalawigan noong Marso 10, 2023.

Ayon kay Hazel, nagtungo sa bahay ng kanyang kapatid (Hannah Mae) ang mga tauhan ng CIDG na may dala-dalang ang search warrant.

Kinuwestiyon niya pa ang ginawang pag-implementa ng search warrant ng mga tauhan ng CIDG dahil ang nakalagay dito ay alias Hanna Mae lamang at walang apelyido.

Nagsinungaling din ang mga tauhan ng CIDG at sinabing sa police station dadalhin ang kanyang kapatid subalit kalaunan ay sa CIDG Dumaguete dinala ito.

Sinabi rin sa kanya ni Hannah Mae na pilit na pinate-testify siya laban kay Cong. Teves at pinadidiin sa pagpatay kay Gov. Degamo.

Hindi pa nakuntento ang mga taga-CIDG, dinala pa sa Camp Crame sa Quezon City si Hannah Mae at ang asawa nito.

Kaya minabuti nina Hazel at Atty. Diokno na magtungo sa CHR para magreklamo laban sa mga tauhan ng CIDG sa ginawang pagdampot ng mga ito sa mag-asawa.

Napag-alaman naman mula kay Atty. Diokno na pina-revoke ng mga awtoridad ang lisensiya ng dalawang baril ni Heracleo na kalaunan ay kinasuhan ng illegal possession of firearm.

Noong nakaraang Marso 15 ay ini-release ng Department of Justice (DOJ) si Hannah Mae Oray dahil sa kawalang matibay na ebidensiya laban sa kanya na nag-iingat ito ng mga baril na walang kaukulang dokumento sa kanilang bahay.

Si Hannah Mae Oray ay kilalang staff ni Cong. Teves na pilit pinate-testify laban sa kanyang amo para madiin sa pagpatay kay Gov. Degamo.

Ang tanong ngayon, makakaapekto ba ang ginawang pag-release kay Hannah Mae sa kaso ni Cong. Teves na iniuugnay sa pagpatay kay Gov. Degamo?

Mas makabubuting pagtuunan ng pansin ng mga awtoridad ang pagkalap ng mga matibay na ebidensiya sa pagpatay kay Gov. Degamo kaysa kung sinu-sinong na lang mga inosenteng tao ang kanilang dadamputin para lang idiin ni Cong. Teves.

Kawawa naman ang mga ordinaryong tao na inyong idinadamay sa mga kasong wala naman silang kinalaman.

187

Related posts

Leave a Comment