BALYADOR ni RONALD BULA
TILA ubod ng lakas ang impluwensiya ng isang alyas “MANI” na may inuumagang sugal sa lalawigan ng Bulacan.
Ang salot na maintainer ng mga puwesto ng pijong sugal na drop ball, color games, roleta at iba, pa ay nagmamalaki na nakatimbre ang sugalan niya sa lokal na kapulisan ng Bulacan maging sa tanggapan ni National Bureau of Investigation (NBI) Central Luzon Regional Office (NBI-CELRO) acting Regional Director Eleanor Rachel M. Angeles.
Nais ko lang iparating kay Angeles kung may katotohanan ba itong pagmamalaki ni alyas “Mani” na may lingguhang timbre ang kanilang opisina?
Bukambibig ni alyas “Mani” na hindi lamang mga pulis-Bulacan ang nakikinabang sa kanyang gambling operation kundi maging ang NBI-CELRO at NBI-BULDO na mayroon umanong lingguhang timbre.
Kaya pala “untouchable” at hindi hinuhuli ang magdamagang sugal na drop ball at color games na matatagpuan sa Barangay Burol 2nd,Balagtas; Barangay Buwisan, Bustos; Barangay Sto. Cristo, Baliwag; Barangay Siling Bata at Masuso, Pandi, Bulacan ay dahil meron palang ipinagmamalaki si alyas “Mani”?
Ang tanong: alam kaya ito ni NBI-CELRO Regional Director Angeles at NBI-BULDO?
Hindi siguro maglalakas-loob si alyas “Mani” na ibunyag ito kung wala itong hawak na ebidensya? Tama ba ako, NBI Director Menardo De Lemos, Sir!
Sirang-sira ang pangalan ng NBI-CELRO at NBI-BULDO dahil sa panggagamit ni alyas “Mani” na kilalang big-time na gambling lord na inirereklamong nag-o-operate ng malaking pergalan (perya at sugalan) sa nabanggit na mga bayan sa lalawigan ng Bulacan.
Para sa kaalaman ng tanggapan ng NBI-CELRO at NBI-BULDO, ang inyong mga tanggapan ay isinasangkalan ng isang nagpapakilalang “Eddie” na tauhan at kanang-kamay ni alyas ‘Mani” na siya ring poste o bantay sa nasabing mga pergalan kapag may mga awtoridad na kumukwestiyon sa kanilang pagpapasugal.
Sa totoo lang, ang peryahan ni alyas “Mani” ay may basbas ng mga kapitan at mayor subalit mini carnival lang ang permit nila. Kaya dapat ang makikita sa peryahan nila ay ang ferris wheel, roller coaster, tsubibo, bingo, at iba pang rides.
Ikinakatwiran nina alyas “Eddie” at “Mani” na nakatimbre sa Bulacan PNP at NBI ang kanilang inuumagang sugal.
Ang pergalan ni alyas “Mani” na may mga kaparehong ilegal na negosyo sa iba’t ibang bayan sa Bulacan, ay hindi pwedeng bigyan ng permit ng kapulisan at ng local government unit (LGU) dahil sa totoo lang, “front” lang ito ng mga ilegal na sugal tulad ng color games, drop ball, beto-beto, roleta at iba pa na labag sa batas na card at table games.
Kung totoo nga ang ipinangangalandakan ng kampo ni alyas “Mani” na sila’y nag-o-operate ng mga pasugalan na may permit at basbas ng kapulisan at NBI, kung ganoon ay may pananagutan dito ang mga kapitan at mayor sa umiiral na batas sapagkat ang pergalan ni alyas “Mani” na mistulang mini casino sa dami ng mga lamesa ng color games, drop ball, roleta at iba pang uri ng sugal, ay ilegal na ibig sabihin ay salungat sa umiiral na Presidential Decree 1602.
Tutukan natin!
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.
