SUPERCAT O SUPERCRASH?

PUNA ni JOEL AMONGO

ISA na namang aksidente ang kinasangkutan ng dalawang barko sa Pier 1 sa Cebu City kamakailan.

Ang nasabing banggaan ay kinasangkutan ng MV St. Jhudiel ng Supercat Fast Ferry Inc. (passenger vessel) at isang cargo vessel.

Kitang-kita sa lumabas na video na viral ngayon sa social media, kung paanong nagbanggaan ang dalawang barko.

Kapuna-PUNA sa lumabas na video na nagdulot ng takot sa mga pasahero ng passenger vessel ang naturang banggaan ng dalawang barko.

Batay sa nakuhang impormasyon ng PUNA, ayon kay Captain Florito Norman Teves, ang master ng MV St. Jhudiel, na nag-file ng isang marine protest sa Marina 7, habang ang barko ay namamaniobra sa pantalan ay namatay ang makina nito.

Ang dahilan daw ng aksidente ay ang malakas na agos ng tubig sa Pier 1’s docking area.

Kaya umaabot ng labing walong (18) pasahero at tatlong miyembro ng tripulante (crew) ng barko ang nasaktan na agad dinala sa pinakamalapit na pagamutan.

Kung pagmamasdan sa video na viral ngayon sa social media, ay kitang-kita na binangga ng barko ng Supercat ang unahang bahagi ng isang barkong naglalaman ng mga container.

Sa aksidenteng ito na kinasasangkutan ng MV St. Jhudiel (Supercat) ay magandang malaman ang resulta ng imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA).

Sana nga lang ay ‘yung totoo ang ilalabas na resulta ng imbestigasyon at wala sanang “pagtatakip” na mangyayari.

Mabuti na lang din at hindi lumubog ang fastcat at walang seryosong nangyari sa mga tripulante at pasahero nito.

At sa kadahilanang ang banggaan ay nangyari sa Mactan Channel ay mainam na malaman kung ito ba ay mayroong navigational buoys at Traffic Separation Scheme at kung properly maintained ito.

Kung mayroon man ay malaking katanungan kung seryoso bang ipinatutupad ng mga otoridad, tulad ng PCG, ang paggamit nito ng mga naglalayag na barko roon lalo na ang paggamit nila ng safe speed habang nasa channel.

Baka naman kasi mayroon nang mga lantarang lumalabag ng regulasyon na ito at hindi na rin napapansin ng mga kinauukulan kaya umabuso na rin ang mga barko.

Minsan na ring nasangkot sa aksidente ang barko ng Supercat noong Marso 2015, sa banggaan ng isa pang barko sa Pier 1 sa Cebu.

Sinasabing namatay rin daw ang makina ng barko habang nagmamaniobra sila.

Ang biglaang pagkamatay ng makina ng barko o ang hindi paggana ng iba pang kagamitan sa loob ng barko ay hindi basta-bastang nangyayari kung ang barko ay seryosong sumasailalim sa tinatawag na regular Preventive Maintenance System (PMS) nito.

Kung nangyari ang aksidente noong 2015 at nagkaroon uli ng aksidente ng barko ng Supercat kamakailan lamang na parehas pang sa Cebu City, ay nagiging paulit-ulit na lamang ito.

Akala pa man din ng nakararami na bago ang mga barko ng Supercat dahil sa pangalan pa lang akala mo ay mga brand new ang kanilang mga unit, tirikin din naman pala.

Nagpapatunay ba ito na pabaya ang management ng Supercat? Hihintayin pa ba natin sa ikatlong pagkakataon na may magbuwis na ng buhay sa mga pasahero at tripulante nito bago natin bigyan ng leksyon ang mga may pagkukulang?

Paging MARINA at PCG, mga bossing baka naman pwede n’yo nang bigyan ng leksyon ang management ng Supercat.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

128

Related posts

Leave a Comment