TAGILID PA RIN ANG PRANGKISA NG ABS-CBN SA KAMARA

SIDEBAR

May anim na panukalang batas na sa renewal ng prangkisa ng broadcast giant na ABS-CBN ang nakahain sa mababang kapulungan at kabilang sa mga nagsumite ng bill ay sina Deputy Speaker Vilma Santos-Recto ng Batangas at Rose Marie Arenas ng Pangasinan.

Sa ilalim ng Republic Act No. 3846, ang mga may-ari ng television at radio stations sa bansa ay kinakailangang kumuha ng prangkisa sa Kongreso bago sila legal na makapag-operate. Ang mga naturang prangkisa ay kailangang i-renew pagkatapos ng 25 taon na siyang buhay ng isang prangkisa.

Si Congressman Franz Alvarez ng Palawan ang chairman ng House committee on franchises at hanggang ngayon ay wala pa itong ginagawang aksyon para matalakay ang anim na bill para sa ABS-CBN franchise renewal.

May kinalaman ang kawalan ng aksyon ng House committee on franchises sa alitan ng ABS-CBN at ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan inireklamo ng presidente ang hindi pagsauli ng TV station ng P3 million na ibinayad ng kanyang campaign team noong 2016 para sa political ads na hindi ini-ere ng ABS-CBN.

Ang Duterte campaign ads ay sagot sa mga akusasyon ni Senador Antonio Trillanes na ini-ere ng ABS-CBN pero hindi ang sagot ng Team Duterte kahit pa nagbayad na ito ng air time na hindi ibinalik ng TV station.

Ilang ulit ng binatikos ni Pangulong Duterte ang ABS-CBN sa kanyang mga talumpati at ito ang nakitang “marching order” ng mga kongresista para hindi talakayin ang mga nakabinbing bills hinggil sa renewal ng ABS-CBN franchise.

Sa Marso 30, 2020 ang expiration ng prangkisa ng ABS-CBN at ibig sabihin nito ay kung walang maipasang bill ang kamara sa prangkisa nito ay hindi na maaaring mag-operate ang TV station ng lampas sa nasabing petsa.

At sakali namang makapasa sa kamara ang franchise bill ng ABS-CBN, puwede itong i-veto ng presidente na mangangahulugang huling araw na ng operasyon ng TV station sa Marso 30 ng susunod na taon.

Pwera na lamang kung makakakuha ng two-thirds vote ang ABS-CBN sa kamara at Senado para i-override ang presidential veto at magiging batas ang franchise bill ng TV station. Pero imposibleng mangyari ang pag-override ng presidential veto dahil suportado ng mayorya ng mga kongresista at senador si Pangulong Duterte kaya nga mga alyado niya ang nakaupo bilang Speaker at Senate President.

Malaki ang problema ng pamilya Lopez dahil malaking pera ang mawawala sa kanila  kapag hindi na nakakapag-oprerate ang ABS-CBN.

Marami ring mga empleyado at talents TV station ang mawawalan ng trabaho kabilang na ang mga sikat na artista na araw-araw napapanood sa ABS-CBN gaya nina Coco Martin, Vice Ganda at Anne Curtis.

At kapag nangyari iyon ay tanging sa mga pelikula na lang ng Star Cinema mapapanood ang mga kinagigiliwang artista ng mga masang Filipino samantalang mga artista na lang ng GMA 7 mapapanood sa telebisyon ng publiko. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

246

Related posts

Leave a Comment