Itinuturing ng Dangerous Drugs Board (DDB) na matagumpay ang kanilang katatapos na Drug Abuse Prevention & Control Week Celebration kahapon.
Marami ang nakiisa mula sa academe, religious group, Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police, Philippine Army, National Bureau of Investigation at iba pang law enforcement agencies na katuwang sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Pinangunahan ang okasyon ni DDB chairman Catalino S. Cuy na dating kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sabi pa ni Senador Bato dela Rosa sa biro n’ya sa kanyang pananalita sa okasyon, si Mr. Clean daw si Chairman Cuy at siya naman daw si Mr. Dirty.
Si Sen. Dela Rosa ang Chairperson ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaya muli silang magkatuwang ni Chairman Cuy ngayon.
Dati nang nagsama sina Sen. Dela Rosa at Chairman Cuy sa Davao City nang sila ay mga pulis pa at sa panahon na ‘yun ay mayor pa si Pangulong Duterte.
PNP City Director si Gen. Cuy sa Davao, habang PNP Deputy Director naman si Gen. Bato.
Binigyan ng pansin sa okasyon na ito ang magagandang regulasyon para sa lalo pang ikagaganda ng kampanya sa ilegal na droga ng gobyerno.
Malaki rin ang papel ni DILG Undersecretary RJ Echeverri laban sa kampanya sa ilegal na droga.
Sabi nga niya, kung ‘di makikipagtulungan ang local government units sa paglaban sa ilegal na droga ay mahihirapan ang gobyerno na malutas ito.
Kaya naman hinikayat n’ya si Sen. Dela Rosa na gumawa ng batas na magpapataw ng mabigat na parusa laban sa local chief executives na hindi tumutulong sa giyera laban sa kampanya.
Natatandaan pa natin na naglabas ng narco-list si Pangulong Duterte at karamihan sa mga ito ay mayor ng iba’t ibang munisipalidad at siyudad sa bansa.
Kaya mula sa pagiging DILG OIC Secretary ni Gen. Cuy ay dinala siya ni Pangulong Duterte sa DDB dahil may tiwala siya sa mamang ito.
Kaya sa mga walang ginawa kundi bumatikos sa kampanya ng ilegal na droga, tumulong na lang kayo sa gobyerno.
‘Wag n’yo nang tingnan kung anuman ang kulay ninyo basta para makatutulong kayo sa kabutihan ng mga Pinoy.
Lahat po tayo ay apektado ng perwisyong ilegal na droga. (Puna / JOEL O. AMONGO)
105