TALAGANG MABUBUWAG ANG UNITEAM

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ANG isang samahan o alyansa na itinatag na hindi nakabatay sa prinsipyo at plataporma, talagang mabubuwag at mabubuwag ‘yan…tingnan niyo ang UniTeam.

Alam naman natin na alyansa ‘yan ng mga Marcos at mga Duterte noong 2022 presidential election at walang pinag-usapang prinsipyo kundi para masiguro lang ang panalo nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte na nangyari naman.

Kaya hindi na ako nagulat na biglang nagkaroon ng political drama sa loob ng UniTeam nang ang isa sa mga player nito na si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo, ay biglang sibakin bilang pangalawang pinakamataas na lider ng Kamara. Napaaga lang talaga.

Alam naman nating si Sara ang gusto ni GMA na tumakbong presidente pero nanaig ang ibang puwersa kaya pumayag na lang sila na maging bise presidente ang anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kanilang manok noong nagpopormahan pa lamang sa presidential derby.

Ang masaklap lang kay GMA ay hindi siya ang pinili ni BBM na maging Speaker of the House kundi ang kanyang pinsang si Leyte Rep. Martin Romualdez at sa ngalan ng UniTeam ay nagparaya ito.

Lumutang ang impormasyon na gustong maging Speaker ulit ni GMA kaya tinanggal ito bilang number two ng Kamara kaya ang UniTeam sa loob ng Lakas-CMD ay napilas na lalo na’t nag-resign si Inday Sara bilang chairperson ng partidong ginamit niyang behikulo sa kanyang vice presidential bid.

Itinatanggi siyempre ni GMA ang kudeta pero may history na kasi sila ni Inday Sara dahil noong 2018, tinanggal nila si dating Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na kanilang kaalyado sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Digong. Kung baga may resibo na.

Magkakaalyado ang Lakas-CMD at PDP-Laban na dating pinamumunuan ni Alvarez pero sa hindi inaasahang galawan ay kinudeta siya ng kanyang mga kaalyado. Ibig sabihin, naitatag ang kanilang samahan sa sariling interes at hindi sa prinsipyo at plataporma.

Ngayon, mabubuo pa kaya ang UniTeam o magkawatak-watak na? Pero ang aga ha. Mag-iisang taon pa lamang sila sa kapangyarihan pero nagkakasuwagan na sila dahil sa ambisyon sa pulitika.

Hindi pa nag-iinit ang kanilang puwetan sa kapangyarihan pero mukhang may naiinip at hindi makapaghintay ng kanyang panahon at ang masaklap, sila-sila na ang nagsusuwagan.

Kung baga, nasa loob ng UniTeam ang kalaban at hindi sa oposisyon tulad ng Liberal Party (LP) o kaya ang Makabayan bloc sa Kamara. Sila-sila na ang nag-aagawan sa kapangyarihan. Kapag ganyan, walang UniTeam.

Ganyan daw talaga ang pulitika sa ating bansa. Walang permanenteng kaalyado at kaibigan dahil ang permanente lang sa mga politikong namumuno sa atin ay personal na interes.

Pero dehado dito ang taumbayan dahil kung ganyan na lang nang ganyan lagi ang kanilang inaasal na inuuna ang sarili kaysa interes ng taumbayan, eh talagang huwag tayong umasa na magsisilbi sila sa atin.

97

Related posts

Leave a Comment