TANGGAPIN NA LANG KASI

HINDI makauusad ang ating bansa kapag hindi marunong tumanggap ng pagkatalo ang iilan sa ating mga kababayan sa resulta ng eleksyon noong Mayo 9, 2022 na pinanalunan ni Bongbong Marcos.

Ang petisyong inihain ng isang grupo sa Korte Suprema para ipatigil ang presidential at vice presidential canvassing ng dalawang kapulungan ng Kongreso na magsisimula sa Mayo 24, ay hindi makabubuti sa ating bayan.

Hindi lang si presumptive President Marcos ang kanilang tinatarget dito kundi ang buong bansa sa kabuuan. Tila ayaw nilang umusad ang ating bansa at para bang sinasabi nila na sila lang ang may karapatan na pamunuan ang Pilipinas.

Ang hirap bang tanggapin na nagdesisyon na ang mahigit 31 milyong Pinoy na si Marcos ang gusto nilang mamuno sa ating bansa sa susunod na anim na taon?

Hindi ba demokratikong bansa tayo? Kung ano ang desisyon na nakararami ay dapat nating igalang? Bakit nang magdesisyon na ang mayorya sa sa atin ay hindi matanggap ng minorya?

Ako, hindi ko masisisi ang mga tao na maumay sa pamumuno ng iilang political personalities sa ating bansa dahil tatlo’t kalahating dekada silang naghintay sa pagbabago, ay hindi naman nangyari.

Dun sa mga ayaw pa ring tanggapin ang resulta ng halalan, natanong ba n’yo ang sarili niyo kung ano nga ba ang nagawa niyo mula noong 1986 EDSA Revolution para ­maiangat ang buhay ng mga Filipino?

Ginamit n’yo ang isyu ng katiwalian para maluklok kayo sa kapangyarihan pero may nagawa ba kayo para ­tuluyang mawala ang nakawan sa ­gobyerno? Hindi ba lalong lumala ang korupsyon sa pamahalaan?

Pati nga ang mga ­ordi­naryong empleyado ng ­gobyerno (hindi lahat) ay ma­kupad ang kilos kapag walang lagay pero kapag merong padulas mas mabilis sa alas-kuwartro ang kanilang galaw.

Katiwalian ‘yun!

Pati nga mga botante ay naging corrupt na rin dahil tuwing eleksyon ay kumukubra sa lahat ng kandidato at kung sino ang may malaking naibigay sa kanila yun ang iboboto nila. Katiwalian ‘yun at nangyari ‘yun dahil hinayaan itong mangyari ng mga lider ng bansa mula noong 1986.

Tatlo’t kahating dekada ring namuno ang mga nakinabang sa EDSA 1 pero may nagawa ba kayo para umunlad ang sektor ng agrikultura, ‘di ba wala? Kaawa-awa pa rin ang kalagayan ng mga magsasaka kaya marami na ang nag-aabandona sa pagsasaka.

Napigilan niyo ba ang smuggling sa ating bansa? Hindi! At kapag may maamoy kayong smuggling activities puro lang kayo ingay pero wala naman kayong naparusahan.

Tatlo’t kahating dekada kayo sa kapangyarihan pero nagkaroon ba ng karagdagang industriya sa Pilipinas? Hindi, gayung maraming raw ­materials sa ating inang bayan?

Ngayon bakit ayaw niyong bigyan ng pagkakataon si Marcos na siyang pinili ng ­sambayanang Filipino para patunayan ang kaniyang sarili? Inayawan na kayo ng mga tao eh pinipilit n’yo pa ang sarili niyo!

Related posts

Leave a Comment