TATLONG BENTE PALA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ALIW na aliw ako sa viral video ng isang lola na galit na galit at sising-sisi na ibinoto niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., noong 2022 presidential election, dahil sa pangakong magiging P20 ang presyo ng kada kilo ng bigas.

“Sabi ni Bongbong, manalo lang ako, pilitin ko bente ang bigas. Grabe naman ang ginawa ni Bongbong Marcos. Pilitin ko bente na lang ang bigas ‘yun pala apat na bente, ano ba ‘yan”, ang dismayadong pahayag ni Lola.

Nagkamali lang si Lola sa bilang dahil hindi pa naman umaabot sa apat na bente ang bigas kundi tatlong bente pa lamang. Malamang ay nadala lang siya sa kanyang emosyon dahil sa pagkadismaya kaya nasabi niyang apat na bente imbes na tatlong bente.

May dahilan si Lola na magdismaya at hindi lang siya nag-iisa dahil papasok na sa ikatlong taon si Marcos sa kapangyarihan, ay hindi pa natutupad ang pangako niyang magiging bente petot ang bigas.

Malabong mangyari ‘yan dahil walang magsasaka ang magbebenta ng palay sa halagang P10 pababa dahil sa ngayon, ang puhunan sa bawat kilo ay P14 na lalo na ngayong El Niño dahil nadagdagan ng gastos sila sa gasolina para hindi nawalan ng tubig ang kanilang palayan.

Maging ang National Food Authority (NFA) ay namumuhunan ng P34 kada kilo ng bigas para maging buffer stock dahil sa palay pa lang ay binibili na nila ng P22 hanggang P25 kada kilo at may gastos pa d’yan sa pagpapagiling para maging bigas.

Tapos ibebenta pa ng NFA sa pribadong negosyante ang kanilang lumang stock kuno sa halagang P25 kada kilo tapos ibebenta naman ito ng kanilang mga kasabwat sa palengke ng P52 hanggang P55 kada kilo kaya ang tinulungan na yumaman ay mga negosyante at hindi ang mga magsasaka.

Balik tayo kay Lola, malinaw na malinaw na nabudol siya at ang 31 milyong bumoto kay BBM noong nakaraang eleksyon. Mayorya sa mga bumoto sa kanya ay mga mahihirap na umasang bababa nga sa P20 ang bigas.

Parang noong 2016 presidential campaign, ipinangako ni Rodrigo Duterte na kapag siya ay nanalo ay sasakay siya ng jetski, pupunta siya sa West Philippine Sea at maglalagay ng bandila sa mga reef na ilegal na inokupahan ng China at palalayasin ang ito sa teritoryo ng Pilipinas.

Hindi ‘yan nangyari dahil naging kaalyado siya ng China at iniwan ang Amerika at nang singilin siya ng media sa isyung ito, ang mga botante pa ang namura at kanyang sinisi dahil naniwala sila sa kanya.

Ang mga mahihirap ay madali raw utuin kaya madalas silang nabubudol ng mga kandidato pero huwag silang masyadong utuin at abusuhin dahil kapag sila ang kumilos ay magkakaroon ng malaking problema.

Huwag kalimutan na ang mga mahihirap at nagugutom na mga Pranses ang nagsimula ng French Revolution noong 1848 na nagpatalsik sa hari ng Pransya at maging noong 1986 EDSA Revolution, malaki ang naging ambag ng mga nasa laylayan ng lipunan kaya napatalsik ang diktador na ama ni BBM na si Macoy.

34

Related posts

Leave a Comment