ANO KAYA ANG DAHILAN NG PAGBANGGA NG BARKO SA TULAY SA AMERIKA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

ANG ating pag-PUNA ay patungkol sa isang malagim na aksidente na naganap noong madaling araw ng Marso 26, 2024 sa Baltimore, USA kung saan ang barkong MV Dali ay nabangga ang isang haligi ng Francis Scott Key Bridge.

Ang pagbanggang ito ay nakapagdulot sa tuluyang pagbagsak at pagkawasak ng nasabing tulay kung saan ay may mga nahulog sa napakalamig na Patapsco River at pinangangambahang ikinasawi ng anim na tao bukod sa dalawang nakaligtas, ayon sa mga ulat.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa halos 22 na Deck & Engine crew ng barko na pawang mga taga-India at ng nakatalagang piloto ng mga sandaling ‘yun, dahil sa bandang harapan ng barko bumagsak ang tulay at hindi sa superstructure nito, at patungo sana ang barko sa Colombo, Sri Lanka.

Hindi ko linya ang tungkol sa kalakaran ng pagbabarko ngunit minabuti kong tanungin at hingian ng payo ang ating kaibigan na matatawag na bihasa sa mga katulad ng usaping ito.

Ayaw niyang magpakilala ngunit kabilang siya sa Class 1989 ng prestisyosong paaralan na Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) at humawak din siya ng pawang matataas na posisyon sa mga kilala at malalaking maritime corporations dito at sa labas ng bansa.

Bigyan muna natin ng maiksing detalyeng teknikal ang barko at ang tulay.

Ang MV Dali ay isang container vessel na ginawa noong 2015 at may kapasidad ito na magkarga ng bigat na aabot sa mahigit sa 116-libong tonelada o deadweight. May kabuuang haba ito na 300 metro, may lapad na 48 metro at may tinatawag na summer draft na aabot sa 15 metro.

Kaya rin nitong magkarga ng 10,000 TEU na mga container at tinagurian itong nasa hanay ng mga neopanamax na mga barko. May gross tonnage ito na 95,000 at net tonnage na 52,000.

Meron itong tinatawag na single fixed pitch propeller at nakarehistro sa Singapore at pag-aari ng Grace Ocean Private Ltd.

Ang charterer nito ay ang Maersk at ang namamahala at ang nag-o-operate nito ay ang Synergy Marine Group.

Ang tulay naman na Francis Scott Key Bridge ay itinayo noong 1977 at may kabuuang haba na 2,600 metro at yari sa bakal.

Ayon sa ating kaibigan, masusing iimbestigahan ang aksidenteng ito ng mga awtoridad sa Estados Unidos.

Aniya, kinakailangang gamitin sa proseso ng imbestigasyon ang naaangkop na mga batas, hurisdiksyon, at naaayong protocols upang mabatid ang posibleng naging sanhi ng aksidente.

Ngunit sa isang banda ay minabuti rin ng ating kaibigan na makapagbigay ng kanyang personal na pananaw bilang isang dating marino at kasalukuyang kabahagi ng tinatawag na global maritime industry.

Ayon sa kanya, napakaraming naglalabasan na mga haka-haka lalo na sa social media kung saan ang iginigiit ng iba ay maaaring makapagdulot ng hindi kaaya-ayang pakiramdam, lalo na sa mga nakakaintindi at nakaranas ng totoong kalagayan ng mga kapatid nating marino.

Hindi biro ang pressure at stress na kinaharap ng mga tripulante ng MV Dali ng mga sumandaling iyon.

At lubhang walang katuturan kung ang bintang o finger-blaming ay nakatuon agad, diumano, sa kanila.

Makikita sa ipinalabas na video footage na dalawang beses nawalan ng kuryente ang barko at dalawang beses din itong naibalik na halos ilang segundo lang ang namagitan.

Ngunit huli na ang lahat noong naibalik ang kuryente sa ikalawang pagkakataon.

Ang tuluyang pagkawala ng kuryente sa loob ng barko ay magdudulot ng tinatawag na loss of propulsion na lubhang napakahirap nang mai-maniobra ang barko.

Sa puntong ito, napakalaki na ng puwersa na dulot ng agos ng tubig lalo na ang tinatawag na bank cushion & bank suction effect, ganoon din ang puwersa ng hangin.

Kahanga-hanga, ayon sa ating kaibigan, ang abilidad at bilis na ipinakita ng mga tripulante sa pagpapanumbalik ng kuryente sa barko sa napakaiksing panahon.

At nakatulong pa ang kanilang naging madaliang panawagan ng “Mayday” at umaksiyon din agad ang mga awtoridad na nasa kalupaan at naharang nila ang iba pa sanang tatawid sa tulay sa mga oras na yaon, kung hindi ay malamang na nadagdagan pa ang mga nasawi. Ang paglaglag ng angkla ay isa ring mahusay na naging aksyon ng piloto ngunit hindi nito kinaya ang bilis ng barko na umabot diumano sa mga 7-8 knots.

Aniya pa, bagama’t halos matatawag na bago pa at moderno ang MV Dali ay kataka-taka ang naging mga pangyayari lalo na ang naganap na blackout o power failure dito. Hindi rin dapat isinasantabi ang usapin tungkol sa nakaplanong sistema ng pagpapanatili ng kaayusan sa barko o ang Planned Maintenance System (PMS), ganoon din ang mga usaping may kinalaman sa nakaraang mga inspeksyon na isinagawa sa barko ng Flag State, ng mga Port State Controls, Internal Audits (findings at corrective actions), ng kanyang Classification Society at ng iba pa. Ang anggulo na may kinalaman naman sa kalidad ng krudo, o low sulfur fuel, o bunker fuel na ginagamit ng barko ay hindi rin dapat isinasantabi.

Sa isang tala, ang usaping may kinalaman sa PMS ay isang bagay, ayon sa ating kaibigan, na dapat pagtuonan nang hustong pansin ng bawat barko at ng kumpanya nito.

Hindi raw maitatanggi na may mga pagkakataon diumano na hindi nabibigyang pansin ng ilang namamahala ng mga barko, dito man sa Pilipinas o sa labas ng bansa, ang iba’t ibang uri ng mahahalagang mga piyesa na hinihingi ng mga tripulante nito. Bagkus ay napipilitan na lamang ang mga tripulante na gumawa ng remedyo ngunit may mga limitasyon din kung ano lang ang pupuwedeng magawan pa nila ng paraan.

Kung minsan naman ay may dumarating na piyesa ngunit hindi ito orihinal at hindi rin nagtatagal.

Marahil ay may kinalaman ito sa pagtitipid ng mga may-ari ng barko ngunit hindi pa rin dapat gamitin ang pagtitipid sa larangan ng wasto at tamang pagpapatakbo ng barko lalo na kung may direktang epekto ang naturang pagtitipid sa kaligtasan ng mga tripulante, sa mismong barko at sa kapaligiran.

At sa kadahilanang ang MV Dali ay naka-rehistro sa Singapore ay maituturing ang barko na kabahagi ng bansang ito.

Ibig sabihin, ang barkong ito at ang kanyang pamunuan ay dapat na ipinatutupad ang lahat ng pang-maritimong batas at regulasyon na naayon sa Maritime and Port Authority (MPA) ng Singapore.

Walang pinagkaiba ito sa pangangasiwa ng ating Maritime Industry Authority (MARINA) sa mga barkong nakarehistro naman dito sa Pilipinas.

Maging eye-opener sana ang nangyari sa MV Dali at maging daan upang mabusisi rin ng ating gobyerno sa pamamagitan ng MARINA o ng Philippine Coast Guard (PCG), ang kabuuang kalidad ng ating mga barkong pangkomersyal at pampasahero kasama na ang pamamahala at pagpapatakbo sa mga ito.

Idagdag pa sana ang pagtitiyak na ang bawat isa sa mga tripulante ng mga barko natin ay may sapat at wastong kaalaman at kakayahan sa pagtugon sa bawat biglaang pangyayaring-krisis o emergency.

At dahil sa pangyayari sa MV Dali ay baka mas makabubuti na lagyan ang haligi ng ating mga tulay at pantalan ng proteksyon tulad ng tinatawag na dolphin structures.

Hintayin natin ang resulta ng imbestigasyon at nagpapaabot tayo ng taimtim na panalangin para sa mga nasawi sa trahedyang ito at sa kanilang pamilya.

oOo

Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.

58

Related posts

Leave a Comment