TAUMBAYAN NA NAMAN MAG-AADJUST

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

WORK-from-home naman ang kinanti ng gobyerno. Tapos na raw ang pandemya kaya ibalik na ang normal na nakagawiang trabaho sa opisina para lumago ang ekonomiya.

Ayon kay PSAC Lead for Jobs at Go Negosyo founder Jose Ma. “Joey” Concepcion III, walang mangyayari sa Pilipinas kung mananatili ang work-from-home dahil hindi lalabas ang mga manggagawa, hindi gagastos at hindi sasakay ng transportasyon at hindi iikot ang kita.

Kailangan palang lumabas na ang mga manggagawa upang lumago ang ekonomiya?

Para lang daw sa panahon ng pandemya ang wfh kaya dapat ‘work-from-office’ na dahil tapos na ang pandemya, at upang magkaroon din ng disiplina.

Ano kaya ang koneksyon ng disiplina sa konseptong wfh at kaswal na wfo?

Sabagay, bandilyo nga pala noong Bagong Lipunan ang “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan”. Kaya sa Bagong Pilipinas lagi itong ididikit.

Tapos na ang pandemya kaya pinipilit nang lumabas ang mga empleyado. Pero, kung tutuusin, mas malala ngayon ang sakit na nararamdaman ng mga tao. Pandemya o virus sa bulsa.

Wala atang kahit konting malasakit ang pamahalaan sa katayuan ng mamamayan. At wala sa timing ang gustong ipagawa sa panahong nakalulunod ang bigat ng mataas at patuloy na tumataas na presyo ng bilihin, dagdag-presyo ng mga produktong petrolyo na nag-uudyok na sa mga nasa transport sector na humirit ng umento sa pamasahe.

Umaaray na ang tao at hindi na mapagdugtong ang mga dulo para maisalba ang isang araw na pamumuhay pero bibigyan pa ng pasanin na ikahahapdi ng sugat ng kahirapan.

Hindi naman nareresolba ang mga problema sa transportasyon kaya ano ang ginhawa at kaluwagan na makukuha ng mga trabahador na balik sa opisina o worksite kung ang oras nila ay nasasayang sa trapiko.

Magiging productive ba ang mga manggagawa kung ang ilang oras nila ay naiipit sa trapik?

Saka hindi ba may Telecommuting Act na sa Pilipinas kung saan pinapayagan ang mga empleyado sa ilang sektor na magtrabaho mula sa alternative workplace.

Sakali man, trabaho hindi pamimili ang inaatupag ng isang obrero kapag lumalabas. Nariyan pa rin ang ikot ng pera dahil ang ibang miyembro ng kanilang pamilya ang nakatoka sa pagbili ng kanilang mga pangangailangan.

Parehong natutulungan ng wfh ang mga empleyado at may-ari ng kompanya. Parehong nakatitipid. Mababawasan ang overhead cost ng mga employer.

Kung kailangan, pwede naman ang hybrid na trabaho, na napatunayan na praktikal, gumagana at epektibo.

Ang nagiging kaswal ngayon, sa halip na gabayan at tulungan ang mga lupaypay na sa gastusin ay lalo silang inilulubog sa kahirapan. Ipinagkakait pa ang kaunting kaginhawaan at kombenyensya.

Hindi na kailangang itulak ang mga tao pabalik sa trabaho sa opisina para makatulong na sumigla ang ekonomiya.

Ano ang ibang ginagawang hakbang ng mga economic adviser at ng pamahalaan para lumago ang ekonomiya?

Huwag naman sanang ipapasan ang kanilang kapalpakan sa mga gustong maging payapa at may kahit kaunting kaluwagan ang pamumuhay.

Pinayuhan na ngang mag-diet dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin, partikular ang bigas pero gusto pang alisin ang pagda-diet ng budget.
Bakit taumbayan lagi ang nag-a-adjust?

163

Related posts

Leave a Comment