TOLONGGES ANG SPORTS OFFICIALS NG JOSE RIZAL UNIVERSITY

ITO ANG TOTOO Ni VIC V. VIZCOCHO JR.

NAPAKASAMANG halimbawa ang ginawa at ipinakita ng tapang-tapangang basketball player ng Jose Rizal University (JRU) na si John Anthony Walker Amores.

Ito Ang Totoo: Parang naka-drogang nagwala si Amores noong November 8 sa laro ng JRU laban sa College of St. Benilde (CSB) sa palaro ng National College Athletic Association (NCAA) na ginanap sa FilOil EcoOil Center, San Juan, Metro Manila.

Mistulang asong ulol na tumutulo ang laway na sinugod ni Amores ang “bench” ng CSB at suntok dito, suntok doon ang pinakawalan sa kabila ng mga tangkang pag-awat ng marami sa kanya.

Dalawang CSB ­players ang nagtamo ng sapat na pinsala para masampahan ng kasong kriminal ang damuho.

Ito Ang Totoo: Dati nang may kasong kriminal ang nagpapanggap na matapang na si Amores sa una nang ginawa nitong karahasan sa laro rin na basketball ng JRU laban naman sa University of the Philippines (UP) noon lamang July 26 sa ilalim ng Universities and Colleges Basketball League (UCBL).

Putok ang bibig, gewang ang gilagid at umalog ang mga ngipin ng disi-otso anyos na UP player na si Mark Belmonte, ayon sa kanyang reklamo laban sa may sayad yatang si Amores.

Ito Ang Totoo: Maaaring naiwasan ang karahasang ginawa ni Amores laban sa CSB ­players kung inaksyunan sana ng tama ng JRU ang ginawa nito laban kay Belmonte.

Kaduda-duda talaga ang asal ng JRU Administration, lalo na ang coaching staff nito, sa mistulang pangungunsinte sa hambog na si Amores.

Ngayong hindi na nila mapagtakpan, “indefinite suspension” lamang ang pataw na parusa ng JRU laban sa Amores na iyon, bagay na parang ­matindi pero kung tutuusin ay pitik-kamay lamang dahil nga sa “history” nitong marahas, bukod pa sa ang “indefinite suspension” ay pwedeng bawiin ano mang oras.

Ito Ang Totoo: Walang puwang dapat sa larangan ng basketball ang karahasan, lalo na sa mga liga ng paaralan.

Sino ba ang may gusto na ang iyong anak na inaruga ay sasaktan lamang ng isang amag na manlalarong may ­sayad, sa larong hindi naman sakitan tulad ng boksing, martial arts at iba pa? Sa basketball, bola ang nilalaro at ibinubuslo, hindi paa at kamao ang pinalilipad at pinadadapo sa kalaro.

Dapat i-expel ng JRU ang ungas na si Amores at masibak sa puwesto ang mga tolongges na sports officials ng paaralan dahil sa kabiguang mapairal ang tamang asal.

Mas maganda kung may delikadesa, magbitiw na sa puwesto ang mga kinauukulan sa Sports ng JRU. Pero gagawin ba? Asa pa? Hindi na siguro masyado, makakapal nga, eh. Ito ang Totoo!

20

Related posts

Leave a Comment