TOTOO, CHINA ANG SQUATTER SA WPS

DPAni BERNARD TAGUINOD

MUKHANG ayaw tumigil ang China sa pang-akin sa buong West Philippine Sea (WPS) at pati ang Pag-asa Island na isa nang bayan ng lalawigan ng Palawan, ay gusto nilang agawin sa Pilipinas, at inakusahan pa tayo na ilegal nating inokupahan ng 37 ektaryang isla sa gitna ng karagatan.

Tayo pa ang inakusahang nag-squat at nag-land grab sa loob ng ating teritoryo? Saan kaya kumuha ng kapal ng mukha si Xi Jinping, sampu ng kanyang mga alipores tulad ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Mao Ning?

May nabasa akong comment ni Your Daily Dose (@SaltAndReality sa social media, na nagsasabing “Yan ang problema sa mga squatter. Sila na illegal, sila pa galit at malakas ang loob. Kahit ano gawin at sabihin ng China, squatter lang sila sa WPS at Spratlys”.

Malinaw na malinaw sa international law na ang bawat bansa ay may 200 nautical miles exclusive economic zone na teritoryo sa karagatan at ang Pag-asa Island at iba pang teritoryo na iniskwatan ng China ay nasa loob ng ating EEZ.

Nagdesisyon na rin ang Permanent Court of Arbitration na ang lahat ng mga teritoryong inaangkin ng China sa South China Sea ay pag-aari ng Pilipinas pero ang problema, pasaway ang China.

Magulo na nga ang mundo dahil sa giyera sa Ukraine at Israel, ay dinagdagan pa ng China ang kaguluhan sa paghahangad na sila ang maghari ng mundo dahil number 3 na sila pagdating sa military capabilities.

Hindi lang pala tayo ang iniskwatan ng China, inaangkin at inaagaw rin pala nila ang mga teritoryo ng India, Japan, Vietnam at iba pang mga bansa na nasa paligid ng South China Sea at East China Sea.

Pumapalag nga lang ang mga bansang ito dahil may mga kapasidad silang ipagtanggol ang kanilang teritoryo kaya limitado ang galaw ng China, maliban sa Pilipinas dahil alam nilang wala tayong kakayahan na banggain ang kanilang puwersa.

Ang masaklap pa sa Pilipinas, mayroon tayong mga kababayan, mga lider at mga dating lider na makapili. Imbes na idepensa ang Pilipinas ay kumakampi pa sa China na kesyo ang bait daw ni Xi Jinping dahil pinayagan ang mga Filipino na mangisda sa Bajo de Masinloc.

Hindi ko alam kung matino pa ang nagsabi nito dahil saan ka nakakita na ang China ang dapat pang pasalamatan dahil pinayagan nila ang mga kababayan natin na mangisda sa loob ng territorial water ng Pilipinas.

Parang ikaw na ang inagawan ng lupa ng isang professional squatter, tapos mababaitan ka pa sa kanya dahil pinayagan ka niyang mamitas ng gulay na itinanim mo sa lupa mo na inangkin niya. Nasaan ang katinuan diyan?

May mga kababayan din tayo na galit sa komunista pero ang China na isa sa dalawang natitirang Communist country sa mundo, ay hangang-hanga sila at kinakampihan pa nila kahit binabalahura na nila ang Pilipinas. Matino ba ‘yan?

146

Related posts

Leave a Comment