TSINA, WALANG SINSERIDAD?

HINDI pa man lumilipas ang isang linggo mula nang dumayo pa sa Tsina si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagpapatibay ng ugnayan ng dalawang bansa sa usapin ng ekonomiya at diplomasya, isang insidente sa pinagtatalunang bahagi ng karagatan ang muling naitala.

Ang mga mangingisdang Pinoy, itinaboy ng mga sundalong Intsik sa kabila ng pangako ni Chinese President Xi Jinping na malayang makapapangisda ang mga Pilipino sa West Philippine Sea.

Sa naturang insidente, may tatlong ng posibilidad – walang sinseridad sa panig ng Tsina o ‘di naman kaya’y walang kontrol ang kanilang lider sa mga sundalo. Pwede rin namang wala talagang kasunduan sa pagitan ng dalawang lider.

Kuhang-kuha sa video ang aktuwal na pambabarako ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pinoy na namamalakaya sa karagatang 123 milya lang ang layo mula sa baybayin ng lalawigan ng Zambales.

Nangangahulugang nasa loob ito ng 200-nautical miles Exclusive Economic Zone ng bansang Pilipinas. Taliwas rin ang pagtataboy sa pangako ng kanilang Pangulo.

Ang masaklap, patuloy na kinakanlong ng pamahalaan ang mga negosyanteng Tsinong naka-jackpot sa malalaking kontrata ng gobyerno. Katunayan, ang mismong kumpanyang nasa likod ng artificial islands na ginawang base militar ng Tsina sa West Philippine Sea, ay nakasungkit pa ng bonggang kontrata – ang Manila Bay Reclamation Project.

Bakit nga ba hindi magawang isulong ng pamahalaan ang karapatan ng mga Pilipino sa ating karagatang sakop at pasok sa ating teritoryo – sa kabila ng pasya ng Permanent Court of Arbitration?

Totoo bang may kasunduan sa pagitan nina Marcos Jr at Xi Jinping? Kung mayroon man, pinaka-angkop na isapubliko ng Palasyo para mapawi ang pagdududa ng mga Pilipino.

15

Related posts

Leave a Comment