TUTUKAN NG MGA AWTORIDAD ANG MGA KASO SA PAGNANAKAW NG KABLE

MY POINT OF BREW Ni JERA SISON

SA totoo lang, hindi natin masyado sineseryoso ang mga insidenteng naririnig natin tungkol sa pagnanakaw ng mga kable sa poste. Kadalasan ay hindi natin masyado binibigyan ng halaga ito maliban na lamang kapag tayo ay personal na apektado sa mga ilegal na kalakalan ng pagnanakaw ng kable.

Kadalasan ay mabibigla na lamang tayo kung bakit wala tayong internet o kaya naman ay hindi gumagana ang ating mga telepono sa bahay, na mas tinatawag ngayon na ‘landline’. Mas malala kung bigla na lamang tayong nawalan ng kuryente samantalang wala namang bagyo o malakas na ulan na may kasabay na kulog at kidlat.

Ayon sa ating batas, kulong ang naghihintay sa sinoman na magnanakaw. Simula pa noong 1979, may batas na tinatawag na “anti-fencing law’, na ipinagbabawal ang bumili ng mga nakaw na gamit sa ilalim ng Presidential Decree 1621. Noong 1994, batay sa Republic Act 7832, ang pagnanakaw ng kuryente at mga kable nito ay pinapatawan ng pagkakakulong mula anim hanggang dalawangpung taon at may kaakibat na danyos na aabot sa P50,000 hanggang P100,000.

Subalit tulad ng sinabi ko, tila hindi natin masyado binibigyan ng pansin ito maliban lamang kapag personal na apektado tayo sa nasabing krimen. Ang walang habas na pagnanakaw ng mga kable ay lumala noong panahon ng pandemya. Ayon sa Meralco, mula 2020 hanggang ngayong buwan ng Oktubre, mahigit sa 457 ang kaso ng pagnanakaw ng kable.

Ang mga kable kasi ay gawa sa tanso. May halaga ito kapag ibinenta ng mga magnanakaw ang tanso sa junk shop. Lumalabas kasi na ang isang kilo ng tanso ay binibili ng mga may-ari ng junk shop sa halagang P280. Makalikom lamang ng limang kilong tanso ang magnanakaw ay may P1,400 na agad ang mga loko. Mahal ang tanso kung bibilhin ito sa merkado. Kaya kumikita ang mga may-ari ng junk shop.

Matatandaan noong 2007, may nahuli ang kapulisan ng Valenzuela City na mahigit 4.6 ­toneladang nakaw na tanso sa isang malaking warehouse sa nasabing lungsod na pag-aari ng isang Jimmy Go, na may ­kasabwat na mga banyagang Tsino. Ayon sa kapulisan, ang mga nakaw na tansong kable ay tinutunaw nila at ginagawang copper rods at ibinebenta sa China, Taiwan, Hong Kong at South Korea. Mahalaga kasi ang mga tanso sa nasabing mga bansa dahil ginagamit nila ito sa paggawa ng electronic appliances o sa pagmomolde ng kanilang barya.

Sabi ko nga, hindi lamang Meralco ang tinatamaan ng ganitong krimen. Pati ang PLDT, Smart, Globe at iba pang mga negosyo na naglalatag ng kable sa ating lipunan ay napeperwisyo sa ganitong ilegal na kalakalan. Eh hindi naman lalakas ng loob ang mga magnanakaw kapag walang tatangkilik sa kanilang ibinebenta, hindi ba?

Walang naiiba ito sa mga carnapper, magnanakaw ng mga cellphone at kuwintas, nanunungkit ng mga damit sa sampayan, kaldero, sapatos, car stereo, at iba pa. Kung walang bibili ng mga nakaw na gamit, hindi mag-iisip ang tao na magnakaw.

Ang masakit dito ay malaki ang perwisyo na naidudulot nito sa lipunan. Sa Meralco na lang, karamihan ng mga kaso ng pagnanakaw ng mga kable ay dito sa Metro Manila. Nagtala ng 106 na kaso ng pagnanakaw ng kable na nagdulot ng power interruption. Dahil dito, umabot ito ng ilang oras na perwisyo sa mga naapektuhan sa lugar, bago baibalik ang kuryente. Ang masakit pa dito, ay may walong kaso ng pagnanakaw ng kuryente ang nagdulot ng aksidente at may nakuryente at namatay dahil sa pagnanakaw ng kable.

Dapat ay pagtuunan nang mabuti ng mga awtoridad at tayong mamamayan, ang nakawan sa kable. Babalik din kasi sa atin ang perwisyo kapag may nangyaring brownout dahil dito. Tapos ang sisisihin natin ay ang Meralco dahil nag-brownout? Bantayan natin ang ating mga lugar sa mga magnanakaw ng kable at isuplong agad sa mga awtoridad.

541

Related posts

Leave a Comment