UGNAYANG PH-CHINA DAPAT MAS PATATAGIN PA

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

DUMATING na sa Tsina nitong Martes ng gabi si Pangulong Bongbong Marcos para sa tatlong araw na State Visit na inaasahang magreresulta sa pagreresolba ng ilang isyu na nakapaloob sa relasyon ng Beijing at Manila.

Layunin din ng pagdalaw na ito ni PBBM na higit pang mapagtibay ang bilateral at economic ties para sa mas maigting na kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Bago siya umalis, sinabi ni PBBM sa kanyang maiksing departure speech, na hangad niyang maselyuhan ang mas malalim at makabuluhang ugnayan sa Tsina.

Partikular niyang target ang mas paigtingin pa ang kooperasyon sa larangan ng agrikultura, enerhiya, infrastructure, siyensya, turismo, negosyo, pamumuhunan at marami pang iba.

Kumbinsido tayo na makakamit naman ni PBBM ang mga target niyang ito lalo pa at kilalang mahusay na diplomat at negosyador ang ating Pangulo.

Pero bukod sa mga nasabing mga isyu, ang isa sa mga pinakakaabangang subject na gustong makita ng ating mga kababayan na dapat niyang talakayin kay Chinese President Xi Jinping, ay ang isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Noong una pa man ay alam na natin na walang ibang hangad si PBBM kundi maresolba ang usapin dito sa maayos at mapayapang paraan.

Kaya mataas ang kumpiyansa ng buong bansa na maihahatid niya ang mensahe nang maayos at klaro kay President Xi.

Importante lang naman na maipabatid niya kay Xi na ang ­pangunahing foreign policy stand niya at ng ating bansa ay “friend to all and enemy to none”.

Medyo matagal na rin kasing nagiging ugat ng sigalot sa pagitan ng Tsina at Pilipinas ang isyu ng agawan ng teritoryo sa WPS, na nagiging dahilan tuloy ng kiskisan sa pagitan ng kanilang puwersang pandagat at ng ating Coast Guard at Navy.

Ang resulta tuloy ay direktang apektado ang ating mga ­mangingisda na dati ay malayang nakapangingisda sa maraming bahagi ng WPS na sakop ng ating exclusive economic zone.

Dahil sa iringan sa teritoryo ay naging mas agresibo na ngayon ang mga Intsik at lantaran na rin ang ginagawa nilang pag-angkin sa nasabing karagatan sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga man-made islands at mga pasilidad.

Pero hindi naman hangad ng Pilipinas ang direktang armed ­confrontation, kaya sana ay maresolba ni PBBM kay Xi ang isyung ito sa maayos at diplomatikong pamamaraan.

Kaya naman kaisa natin ang buong sambayanan na nananalangin na sana nga ay maging matagumpay ang State Visit na ito ni PBBM sa Tsina na magreresulta sa mas maigting na ugnayan at pagpapairal ng kooperasyon at kapayapaan sa WPS.

31

Related posts

Leave a Comment