UNITEAM MUKHANG NANGINGITIM

 MY POINT OF BREW ni JERA SISON

HAY buhay! Natatandaan ko pa, mahigit isa’t kalahating taon na ang nakalipas, ang karamihan ng bumoto at sumuporta kay PBBM sa eleksyon ay umaasa na maibabalik niya ang pagkakaisa. Sa katunayan, ang resulta ng eleksyon noong 2022 sa pagkapangulo ay walang kaduda-duda na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang binasbasan ng taumbayan para mamuno sa kinabukasan ng Pilipinas.

Subalit sa sumunod na mga yugto ng pamumuno ni PBBM, tila marami na ang nagtatanong kung tama ba ang kanilang iniluklok sa kapangyarihan.

Puwes para sa akin, tulad ng kanta ng kampanya ng BBM-Sara tandem, may dalang liwanag pa rin para sa ating bayan. Sa pinakahuling trust at approval rating ni PBBM noong Disyembre ng Pulse Asia, tumaas ito ng 3 points o 68% mula ng 65% noong Setyembre 2023.

Subalit sa sunod-sunod na mga isyu tulad ng People’s Initiative (PI) at pagpasok ng mga tauhan ng International Criminal Court sa bansa na tila nagbibigay ng senyales na maaaring arestuhin ang dating Pangulong Rodrigo Duterte, baka mag-iba ang ihip ng hangin.

Baka akala ng iba diyan ay laos na si DU30 at wala na ang mga sumusuporta sa kanya. Nandyan lamang ang mga iyan at tahimik na inoobserbahan ang mga pangyayari.

Kung titingnan din natin ang pinakahuling trust at approval rating ni VP Sarah, aba’y nakakuha siya ng 74% maski na patuloy ang birada ng ilang mga mambabatas sa pinamumunuan niyang ahensya ng DepEd, at Office of the Vice President kung saan halos tinapyasan ng badyet.

Nakapagtataka lang kung bakit ganito ang nangyayari sa tinawag na UniTeam. Tila nga nagkakalamat na ang samahan ng mga grupo na nagsama-sama upang mailuklok si PBBM. Anyare?

Hindi pa huli ang lahat. Nasa kamay ni PBBM na maisaayos ang ugnayan ng mga kasamahan niya sa Palasyo, Gabinete, House of Representatives at Senado.

Ipakita at iparamdam lang niya kung sino talaga ang boss. Sigurado naman ako na tatalima ang lahat sa kanya kapag nakikita nila na ginagawa ito ni PBBM para sa bayan at hindi para sa iilan lamang.

Mahaba pa ang termino ni PBBM. Tulad ng adhikain ng UniTeam, magkaintindihan at magkaayusan na ang mga paksyon na sumusuporta sa administrasyon na ito. Hindi pa huli ang lahat.

Sa totoo lang, ako ay nalaglag sa aking upuan nang parang kabute ay lumitaw na lang sa media ang dating Presidential Adviser on Political Affairs ni PNoy na si Ronald Llamas na purong ‘dilawan’. Aba’y sumawsaw sa isyu at tinitira ang kampo ng mga Duterte. Katawa-tawa para sa akin. Si Llamas ay isa sa mga personalidad na binatikos at nilabanan ang pamilya Marcos. Eh bakit ipinagtatanggol niya ngayon?!

Hay naku, esep-esep. Baka ang papel ni Llamas ay parang isang bukbok o anay na sisira sa tahanan ng administrasyon. Kahit anong linis at laba mo dyan kay Llamas, dilaw pa rin ang kulay niyan. Sana ay maagapan pa at hindi matuloy ang pangingitim ng UniTeam. Umayos-ayos nga kayo!

48

Related posts

Leave a Comment