TULONG NI SPEAKER ROMUALDEZ PARA SA PALAWAN FIRE VICTIMS!

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA gitna ng hamong dala ng kalamidad, isang maagap at determinadong hakbang ang ginawa ng tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez upang maiparating ang tulong sa mga apektado ng sunog sa Palawan.

Dahil sa pamumuno ni Speaker Romualdez, agad na naipatupad ang paglalabas ng P35 milyon na tulong para sa mga pamilyang naapektuhan ng trahedya.

Bilang legislative caretaker ng congressional district ng namayapang Rep. Edward Hagedorn, mariing inendorso ni Speaker Romualdez ang pagmobilisa ng pondo upang maabot ang 920 na pamilya mula sa Barangay Pagkakaisa at Bagong Silang sa Puerto Princesa na nasunugan ng kanilang mga tahanan.

Hindi lamang ito nagsilbing pagpapahayag ng suporta mula sa pamahalaan, kundi isang malinaw na patunay rin ng pagsusumikap ng gobyerno na tugunan ang pangangailangan ng kanilang mamamayan sa panahon ng kalamidad.

Kasabay ng paglalabas ng tulong pinansiyal, naglaan din ang tanggapan ng House Speaker at Tingog Party-List ng 3,500 na food packs para sa mga nasunugan.

Ang nasabing tulong ay mula sa personal calamity assistance fund ng House Speaker at Tingog Party-List, na nagpapakita ng kanilang malasakit at pagtugon sa pangangailangan ng kanilang komunidad.

Mahalagang bahagi rin ng tulong ang P10,000 financial assistance kada pamilya sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD, na kinuha mula sa 2024 National Budget.

Sa pamamagitan nito, hindi lamang nagbibigay ng agarang tulong pinansiyal ang gobyerno, kundi nagbibigay rin ito ng pangmatagalang solusyon sa pangangailangan ng mga biktima.

Sa ngayon, nasa proseso na ang City Social Welfare Development (CSWD) sa pagsasapinal ng listahan ng mga naapektuhan ng sunog, upang tiyakin na ang tulong ay makarating sa mga tunay na nangangailangan.

Sinasabing sa pamamagitan ng maayos at organisadong sistema, mas mapabibilis ang proseso ng pagbibigay ng tulong sa mga apektado ng kalamidad.

Siniguro naman ni Speaker Romualdez na patuloy na aagapay ang pamahalaan upang makabangong muli ang mga biktima ng sunog.

Ang pagkakaisa at pagtutulungan ng lahat, lalo na sa panahon ng kalamidad, ay susi sa pagbangon at pag-asa ng ating mga kababayan.

Kaya nga sa kabuuan, ang agaran at epektibong pagtugon ng tanggapan ng House Speaker sa kalamidad sa Palawan ay isang halimbawa ng mabuting serbisyo publiko.

Ito ay patunay na sa pamamagitan ng maayos na pamamahala at pakikiisa ng lahat, maaaring malampasan ang anomang hamon na dulot ng kalamidad.

115

Related posts

Leave a Comment