‘WAG PURO KUDA SA KRISIS SA TUBIG

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HETO na naman tayo. Kapag tag-init, magkukumahog sa paghahanap ng solusyon sa krisis sa tubig.

Nag-iingay ang mga mambabatas at nasa posisyon at kanya-kanyang mungkahi at panawagang magtatag ng mga ahensya bilang tugon sa problema na hindi naman mabigyan ng solusyon. Parang sirkulo lang ng panahon. Paikot-ikot, laging nagsisimula ngunit walang katapusan hanggang abutin na ng tag-ulan, na panibagong problema na aatupagin at kailangan ding bigyan ng tugon.

Ayon kay Senator Grace Poe, chairman ng Senate committee on public services, kung maglalagay ng tamang mga polisiya na naipatutupad ay maiiwasan ang krisis sa tubig sa bansa.

Dahil nahuhulaan ang pagdating ng El Nino, dapat handa ang mga awtoridad at concessionaires sa contingency measures, ayon kay Poe.

Kaso hindi nga handa kaya asahan ang tigang na lupa, mababaw na dam, at mahabang pila ng balde.

Kulang umano ang bansa sa mga layunin o hinahangad na makamit na magtatakda ng malinaw na direksyon at aksyon para sa seguridad sa tubig ng lahat ng Pilipino.

Patuloy raw na isusulong ng Senado ang pagbuo ng Department of Water Resources, na mangunguna sa komprehensibong pagpapaunlad at pangangasiwa ng pinagkukunan ng tubig.

Ang tanong: Ang WRMO, na binuo sa bisa ng executive order ay akma ba para palakasin ang aksyon bilang tugon sa lumalalang problema sa tubig?

Mungkahi naman ni Senator Sherwin Gatchalian na kumuha ng tubig sa Laguna de Bay.

Akala ata simpleng pag-iigib lang ang proseso.

Malaking halaga ang kailangan para sa water filtration system at desalination process. Kailan pakikinabangan, eh agarang aksyon ang kailangan.

Sinabi naman ni Sen. Nancy Binay na magsagawa ang pamahalaan ng komprehensibong pagtugon sa krisis.

Aniya, ang Republic Act No. 6716 o ang Rainwater Collector and Springs Development Act, na pinagtibay noong 1989, ay nagsagawa ng pinabilis na programa ng water supply program.

Nais nilang malaman kung gaano karami ng rainwater collection systems ang naitayo sa 42,000 barangays sa bansa, ilan pa ang gumagana, sino ang namamahala, ilan ang sira na puwedeng ayusin.

Imbestigasyon, sesyon at panahon pa ang gugugulin diyan.

Sabagay, hindi na rin normal ang panahon. Biglang bubuhos ang ulan sa tag-init kaya pwedeng ipagpaliban ang mga mungkahi na hindi naman agad mapapakinabangan.

o0o

Nagwakas na ang mahabang pahinga mula sa trabaho at eskwelahan bagaman marami ang tiyak may hangover pa at tila bitin pa rin.

Nasa trabaho na muli ang mga manggagawa, balik-eskwela ang mga estudyante at balik traffic na rin. Back to normal ika nga.

Ngunit sa akin ay nananatili ang bakasyon na nahaluan ng sari-saring emosyon.

Sa panahon ng pangingilin ay hindi nagpahinga ang social media. Mas naging aktibo pa nga ata dahil marami ang maya’t maya ay nagpo-post ng kanilang mga ganap.

Ang pumukaw sa atensyon ko ay ang mga post ng mga resort/pasyalan na dinumog tulad ng swimming pool, ilog at falls na tila hindi mahulugang karayom sa dami ng tao.

Bagaman sang-ayon ako sa concern ng ilan na maaaring pagmulan ng sakit ang pagdagsa ng mga tao sa ilog, falls o swimming pool pero hindi makatwiran na laitin o maliitin ang mga taong naroon.

Hindi naman siguro mahirap intindihan na iyon lang ang kaya nilang pasyalan dahil tipid.

At hindi rin komo nagpakasaya silang magpapamilya sa kanilang outing ay kinalimutan na nila na mayroong Diyos.

Nakadidismaya, nakakainis at nakakawala ng gana ang mga paandar kung paano ang magpakabanal sa paggunita ng Mahal na Araw.

Ang ordinaryong obrero na isang araw lang ang ginamit para makapagpahinga ay gusto nang ipako sa krus, gayung ang maraming nakaluluwag ay sa mamahaling resort pa nagbakasyon, ngunit hindi pinararatangang hindi maka-Diyos.

Ang mga tao ay may kanya-kanyang paraan ng paghahanap ng kasiyahan. Sa mahihirap, hindi kwestyon kung pipitsugin ang kanilang pinuntahan dahil ang mahalaga ay nag-enjoy sila.

Ang iba, sa labis na paniniwala sa sariling kakayahan ay nawala na ata ang sidhi ng hangaring makita ang halaga ng iba, ang kaligayahan na may kanya-kanya sanang sukatan, ngunit akala ng ibang nakaaangat ay sila ang may pribilehiyong magtakda ng pamantayan.

Sa sobrang kabanalan ay hindi na naisip na mas kasalanan ang magtuligsa at mapanghusga.

Sino nga ba ang banal?

Ano ang malinaw na kahulugan ng pagiging mabuti?

May kanya-kanya tayong pananaw sa paglalarawan at pagsasabuhay ng kung ano ang estado ng pagiging banal.

Bakit kaya hindi makuntento ang iba sa espasyo nila, sa kaligayahang nadarama sa ginhawang hatid ng kanilang kuwarta?

Bakit pa nila pagtutuunan ng pansin ang mga ordinaryong nilalang na wala naman ibang intensyon kundi maglibang base sa maipagkakaloob ng kung ano ang meron sila?

Dito makikita na ang uri ng pamumuhay ay repleksyon ng totoong karakter at paniniwala.

Mahirap bang magpakatotoo?

Sabagay, mahirap atang kontrahin ang sariling paniniwala.

 

198

Related posts

Leave a Comment