WALA KASING DISIPLINA AT PAGGALANG SA BATAS

KAHIT araw-arawin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang operasyon ng Mabuhay Lanes ay hindi mawawala ang mga sasakyan na ilegal na nakaparada sa mga lansangang ito.

Nagsasayang lang ng oras at pondo ng bayan ang MMDA dahil pagkatapos ng operasyon ay walang maiiwang enforcer sa nilinis na kalsada kaya balik ulit ang mga sasakyan sa kanilang paradahan kahit alam nilang ilegal. Wala na kasi si muning eh.

Magkano ang budget sa bawat araw ng clearing operations? Hindi ‘yan biro sigurado, dahil sa kanilang mga sasakyang ginagamit, mga tao na pinapaswelduhan kaya parang nagsasayang lang sila ng panahon, pera at pagod.

Wala kasing disiplina ang maraming Pinoy ngayon at hindi iginagalang ang batas at patakaran ng gobyerno hindi tulad sa ibang bansa na kapag sinabing huwag pumarada dyan, hindi nila paparadahan.

Pero dito sa atin, pinaparadahan ang mga lugar kahit may karatula na bawal pumarada, umiihi sa mga lugar kahit may nakasulat sa pader na ‘bawal umihi dito’, at tumatawid sa kahit may babala na ‘bawal tumawid dito’.

Karamihan din sa mga motorista, hindi lang ang riders at pampasaherong mga sasakyan, ay wala ring disiplina at hindi na iginagalang ang batas trapiko kaya madalas may nangyayaring ng road rage.

Marami ring law enforcers ang hindi disiplinado dahil imbes na pagsilbihan ang mga Filipino ay ang mga dayuhang mayayaman ang kanilang ineeskortan at binabantayan dahil sa ngalan ng pera? Naman!

Marami rin sa law enforcers ang lumalabag sa batas na kanilang ipinatutupad tulad ng pagtatanim ng ebidensya sa kinukursunadang mga tao para perhuwisyuhin lang ang kapwa tao o kaya para sa kanilang promosyon.

‘Yung kawani naman ng gobyerno na tumutulong sa mga Tsekwa para magpa-late registration of live birth ay wala ring disiplina sa sarili at hindi rin nila iginagalang ang batas na kanilang ipinatutupad. Kung walang perang involved dyan, walang maniniwala.

Ibig sabihin, nawala na ang disiplina sa ating bansa mula sa mga tao hanggang sa nagpapatupad ng batas at kung mayroong mga disiplinadong tao, palagay ko ay mangilan-ngilan na lamang kaya parang binibigyan natin ng dahilan ang gobyerno na gumamit ng kamay na bakal.

Para maibalik ang disiplina, seryosohin ang pagtuturo ng good manners and right conduct (GMRC) sa eskuwelahan mula kindergarten hanggang sa kolehiyo, para sa pagtanda ng mga ‘yan ay maging disiplinado na sila. Matagal pero dapat simulan.

Sa Japan, ang unang tatlong taon ng mga bata sa eskuwelahan ay nakalaan sa pagtuturo sa paggalang sa batas, disiplina at mga gawaing bahay at komunidad pero dito sa atin, ang tinututukan natin ay ang mataas na grade ng mga bata.

53

Related posts

Leave a Comment