DIBORSYO SA KAHIRAPAN TUTUKAN DIN NG MGA MAMBABATAS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

LALONG umiinit ang kontrobersyal na panukalang absolute divorce. Biyak na naman ang mga Pinoy sa pagpapahayag ng kanilang pananaw at paniniwala. Hindi rin lumulubay ang mga mambabatas sa kanilang pala-palagay.

Teka, ipinid muna natin ang mga debate tungkol sa diborsiyo na daraan pa sa butas ng karayom bago ganap na maging batas.

Bigyan naman natin ng pansin – kahit katiting – ang ilalaman sa ating tiyan na siyang kailangan para madiborsiyo natin ang kahirapan.

Hindi raw kakapusin ng supply ng bigas maging sa panahon ng La Niña, ayon sa National Food Authority (NFA).

Sinabi ni NFA officer in charge Director Larry Lacson na nakasiguro ang ahensya ng sapat na supply para sa susunod na mga buwan.

Natriple raw ng ahensiya ang dami ng stocks matapos magsagawa ng “flexible pricing scheme” kaya nakabili ng palay base sa umiiral na presyo sa farmgate sa mga probinsiya.

Kung maraming imbak ang NFA, at umaapaw ang supply, baka naman bawas-bawasan ang importasyon ng butil.

Isa pa, dapat ding makita na ng mga konsyumer ang mababang presyo na matagal nang asam ng mamamayan.

Marami ngang supply pero ‘di naman abot-kaya ang presyo sa pamilihan.

Pero sa pag-amyenda ng Rice Tarrification Law (RTL) iaasa ng gobyerno ang pagkontrol sa presyo ng bigas.

Tinatrabaho na talaga para masusugan ang RTL, partikular ang probisyon na nagbabawal sa NFA na umangkat ng bigas.

Abangan natin kung ang pag-angkat ng bigas ng NFA ay makatutulong sa mga magsasaka at konsyumer.

Ayan, diniborsyo na ang pangakong P20 kada kilo.

Sabagay, bumaba na raw ang presyo ng bigas sa ibang pamilihan. Ang tanong: Ano’ng klase ng bigas?

May game plan pa lang umano ang gobyerno para mapababa ang presyo nito. Inaasahang bababa ng 20 porsyento ang presyo ng bigas sa Setyembre, ayon kay Finance Secretary Ralph Recto.

Ayan, 20 porsiyento na tapyas ‘yan, hindi presyong P20 kada kilo. Iyan ang maliwanag.

Hindi naman ibinigay ang detalye ng nasabing plano. Game plan, as in baka laro-laro lang.

Nauna na rito ang pahayag ng NIA na magbebenta ito ng P29 kada kilo ng bigas sa Agosto, pero mauuna na ang target na P30 kada kilo na ibinando ng mga mambabatas ng Mababang Kapulungan.

Sa importasyon aasa para mapababa ang presyo sa lokal na merkado.

Kaya pala ang Pilipinas ay mananatiling numero uno sa mundo bilang importer ng bigas sa 2025, base sa projection ng United States Department of Agriculture (USDA).

Sa ngayon, magkano ang presyo ng bigas sa inyong lugar? Huwag muna nating hintayin na makawala ang bansa sa importasyon. Sakripisyo muna, gaya ng sakripisyo ng mga nasa magulong relasyon na nais makalaya at mabigyan ng ikalawang tyansa na lumigaya at maging payapa.

43

Related posts

Leave a Comment