Nitong nakaraang Lunes, Hulyo 1, ang unang araw sa Tanauan City Hall ng bagong halal na alkalde ng lungsod na si Mayor Angeline “Sweet” Halili na panganay na anak ng yumaong Mayor Antonio Halili.
Kung pagbabasehan ang kanyang mga ipinangako noong panahon ng kampanya at ang kanyang inaugural speech noong Lunes, makaaasa ang mga taga-Tanauan na lalo pang uunlad ang kanilang siyudad sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Sweet.
Kahapon, Hulyo 2, ang unang anibersaryo ng pagkamatay ng butihing Mayor Tony at kung nabubuhay siya ngayon ay 73-anyos na sana ang pinaslang na alkalde.
Matatandaang araw ng Lunes ang Hulyo 2, 2018 at sa kalagitnaan ng flag ceremony sa harap ng Tanauan City Hall ay binaril ng sniper si Mayor Tony na nagresulta sa kanyang pagkamatay habang itinatakbo sa ospital.
Matagal nang may banta sa buhay ni Mayor Tony at ito ay may kinalaman hindi lang sa kanyang kampanya laban sa droga at kriminalidad kundi sa kanyang mga kalaban sa politika na hindi mga ordinaryong nilalang.
Base sa video footage ng flag-raising ceremony, naka-silencer ang riple na ginamit ng salarin at siguradong naka-sniper scope din ang kanyang gamit na baril kung kaya sa dibdib tinamaan ang alkalde at sinasabing lumusot sa kanyang likuran ang balang tumapos sa kanyang buhay.
Mayo 2013 nang mahalal bilang alkalde ng Tanauan City si Tony Halili sa kanyang plataporma na anti-crime at anti-illegal drugs na kanyang natupad sa loob ng tatlong taon kaya nga muli siyang na-reelect bilang mayor noong eleksyong 2016.
Nakilala si Mayor Halili sa kanyang “shame campaign” kung saan ipinaparada niya sa palengke ang mga nahuhuling nagnanakaw ng mga kahun-kahong tuyo, daing at iba pang paninda na may karatulang “Magnanakaw Ako, Huwag Akong Pamarisan.”
Dahil dito ay umani ng batikos si Mayor Halili sa Commission on Human Rights (CHR) pero hindi pa rin siya natinag at kasunod nito ay mga drug addict naman ang kanyang ipinaparada sa mga kalsada ng Tanauan na may nakasabit ding karatula.
Dahil sa kanyang matinding kampanya laban sa krimen at ilegal na droga ay nabansagan si Mayor Halili na “Duterte ng Batangas” dahil na rin sa pagkakatulad ng istilo ng dalawang alkalde pagdating sa kampanya laban sa kriminalidad.
Noong eleksyon 2016 ay nakalaban ni Halili ang isang retiradong heneral ng Philippine National Police (PNP) na kapatid ng isang retired senior superintendent na minsan na ring na-assign sa Batangas. Tinalo ni Halili ang kanyang pinakamahigpit na kalaban nang makakuha siya ng mahigit 80 porsyento ng boto.
Hindi naman natinag si Mayor Halili sa mga naturang akusasyon dahil alam ng mga taga-Tanauan at sa buong Batangas na walang katotohanan ang mga bintang sa kanya sa droga.
Nakalulungkot lang na matapos ang isang taon ng pagpatay kay Mayor Tony, wala pa ring nahuhuling suspek ang PNP sa Region 4-A kung kaya hanggang ngayon ay humihiling pa rin ng hustisya ang kanyang pamilya.
Maituturing na bindikasyon sa pangalan ni Tony Halili ang pagkakahalal ng kanyang anak na si Sweet bilang bagong mayor ng Tanauan City. Nangangahulugan ito na hanggang ngayon ay minamahal at pinagkakatiwalaan pa rin ang pamilya-Halili ng mga taga-Tanauan City. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
105