WALA SA KATUWIRAN

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

NAGMUKHANG kontrabida si Sen. Cynthia Villar nang magkasagutan sila ni Sen. Raffy Tulfo hinggil sa kalagayan ng mga magsasaka sa bansa na pilit na ibinabangon ng bagong administrasyon.

Kahit saang anggulo, talong-talo si Villar at kahit anong paliwanag niya, hindi matanggap ng mga magsasaka ang kanyang pagtatanggol sa mga lupang sakahan na ginawang subdivision at ang sinulat niyang Rice Tariffication Law.

Ang daming sakahan na kasi ngayon ang ginawang subdivision at commercial center kaya paliit nang paliit ang mga lupang sinasaka sa bansa habang dumarami naman ang mga tao.

Ang daming lupang puwedeng pagtayuan ng mga pabahay pero hindi ko maintindihan bakit ang mga lupang sakahan pa ng palay at iba pang pananim ang pinupuntirya ng mga developer tulad ng mga Villar kaya imbes na nadadagdagan ang ani ay lumiliit na gayung parami nang parami ang mga taong kumakain.

‘Yung katuwiran ni Senator Villar na natutulungan nila ang mga magsasaka na nabilhan nila ng lupa dahil maaari nilang ibibili ng mas malaking lupa at sa murang halaga ang napagbentahan nila, ay hindi yata nangyari. Ang sigurado, ibinenta ng mga ­developer sa mas mahal na ­presyo ang lupang dinebelop nila.

Wala na ngayong mabiling murang lupa dahil biglang naging ginto ang halaga ng lupang sakahan. Ang alam ko, karamihan sa mga nagbenta ng lupa, iniwan na nila ang pagsasaka kaya saan kinuha ni Villar ang kanyang katuwiran?

Wala rin daw guilt feeling ang magaling na senadora sa pagbagsak ng kabuhayan ng mga magsasaka ng palay dahil sa Rice Tariffication Law na kanyang sinulat at ipinasa.

Ginawa raw niya ang batas dahil noong 2018, bumagsak ang popularidad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil umabot sa P50 hanggang P60 ang presyo ng bigas ng panahong ‘yun.

Teka, ang bigas na ganito ang halaga noong 2018 ay ang mga bigas na kinokonsumo ng mayayaman at bakit isinakripisyo ang kapakanan ng mga magsasaka para lang ibangon ang imahe ni Digong?

Mula nang ipatupad ang batas na ito, ‘yung dating P20 hanggang P22 na bentahan ng palay ay naging P10 hanggang P12 na lamang dahil hindi na binibili ng rice traders ang mga ani dahil maaari na silang mag-angkat ng bigas sa ibang bansa nang walang limitasyon .

Pero wala raw guilt feeling si Senator Villar kahit nalugi ng P206 billion ang magsasaka mula noong 2019 hanggang 2022 at tiyak na lalaki pa ito hangga’t hindi binabawi ang batas na ito.

Tinutulungan din naman daw ang mga magsasaka na may sakahan na hindi bababa sa dalawang ektarya, mula sa buwis na makokolekta sa imported rice.

Wala pa rin sa katuwiran dahil paano naman ‘yung may higit na dalawang ektarya na mas malaki ang talagang nalugi?

Ang problema naman sa mga tao, alam nilang si Villar ang gumawa ng batas na ito noong 2019 pero ibinoto pa rin nila sa kanyang reelection bid noong 2019 election. Naman kasi eh.

26

Related posts

Leave a Comment