WALANG PAMBAYAD SA OSPITAL? MAY BATAS NA MASASANDALAN

BALYADOR ni RONALD BULA

KUNG nangangailangan nang agarang atensiyong medikal, o ‘di kaya ay nasa tamang kondisyon na upang makalabas ng ospital pero walang pambayad, mayroong ilang batas na maaaring sandalan.

Kapag magaling na ang isang pasyente at nabigyan na ng doktor ng permiso upang ma-discharge sa ospital, hindi na maaaring pigilan ng kahit sinong opisyal o empleyado ng ospital ang paglabas nito.

Hindi rin maaaring i-hostage ang isang bangkay dahil lamang hindi pa nababayaran ng mga kamag-anak ang bills sa ospital.

Ito ay ayon sa batas na Republic Act 9439 o ang Anti-Hospital Detention Act na naglalayong protektahan ang mga hikahos sa buhay mula sa mga mananamantala. Maaari kasing mabaon pa sa utang ang mga pasyenteng pinananatili roon dulot ng kakulangan sa pera dahil sa dadagdag pa sa kanilang bayarin ang mga susunod na makokonsumo sa ospital.

Ngunit kailangan munang magbigay ang pasyente o ang namatayan na kamag-anak ng isang ‘promissory note’ o sulat na nagbibigay ng kasiguruhan sa ospital na mababayaran din ang bill sa ospital.

Matapos magbigay ng promissory note, maaari nang bigyan ng medical certificate ang pasyente o death certificate ang namatayan. Maipoproseso na rin pati ang mga angkop na dokumento upang mai-release siya mula sa ospital.

Hindi naman daw sakop ng batas ang mga pasyenteng piniling manatili sa isang pribadong kuwarto.

Subalit, kung puno na ang ward at tanging private room na lang ang maaaring gamitin, kaya pa ring proteksyunan ng batas na ito ang pasyente.

Hindi rin kasi maaaring tanggihan ng isang pampubliko o pribadong ospital o klinika ang isang pasyenteng nangangailangan ng agarang atensiyong medikal, lalo na kung nasa bingit ng kamatayan, o may panganib na malumpo, mamatay, o magkaroon ng pangmatagalang disability, ayon sa Republic Act 10392 na nag-aamyenda sa Anti-Hospital Deposit Law.

@@@

Suhestyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.

404

Related posts

Leave a Comment