DPA ni BERNARD TAGUINOD
MULI na namang napatunayan na talagang walang permanenteng kaibigan sa mundo ng pulitika at ang permanente lang talaga ay kapangyarihan at personal na interes ng mga pulitiko tulad ng nangyayari ngayon sa pagitan ng mga Marcos at Duterte.
Sabagay, hindi lang sa national level nangyayari ‘yan dahil maging sa mga local level ay mas malala pa ang nangyayari pero dahil wala sa kanila ang atensyon ng media at hindi ito national news kundi pinag-uusapan ng kanilang mga constituent ang paghihiwalay ng mga magkaka-alyadong politiko sa ibaba.
Maging ako ay hindi ako naniniwala na maghihiwalay ang UniTeam na binuo ng mga Marcos at Duterte bago ang 2022 presidential election dahil naniniwala ang mga political analyst na kapag nagsama ang mga kandidato mula sa Norte at Timog ay panalo na sila.
Nagtagumpay naman sila sa kanilang misyon bagama’t may kumukuwestiyon sa kanilang panalo dahil sa mga alegasyon na minagic ng Smartmatic ang resulta ng nakaraang eleksyon dahil walang naniniwala na pare-pareho ang nakuhang boto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte sa magkakatabing presinto sa Manila at iba pang mga lugar sa bansa.
Bukod sa estratehiyang iyan, naniniwala rin ako noon na talagang magkaibigan ang mga Marcos at Duterte dahil si Digong ang tanging pangulo ng bansa na pumayag na mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, naghiwalay nga agad ang mga Marcos at Duterte lalo na noong hindi na binigyan ng intelligence at confidential funds si VP Sara at tinanggal na ang mga bata ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na naiwan sa gobyerno.
Patunay ‘yan na peke ang UniTeam at naggamitan lang ang mga Marcos at Duterte dahil sa kanilang mga personal na interes at hindi talaga sila magkaibigan at kung magkaibigan man sila, naitsapwera na ‘yun dahil sa pulitika.
Sa mga probinsya, matagal nang nauso ang pagkasira ng pagkakaibigan ng mga local politician lalo na kung hindi sila magkasundo kung sino ang gagawa ng proyekto o kaya kung sino ang tatakbo sa ganitong posisyon.
Sabi ko nga, hindi national news at pagkasira ng kanilang pagkakaibigan dahil sa pulitika pero pinag-uusapan pa rin ng mga marites nilang mga constituent ang pagkawasak ng kanilang samahan.
Kahit ‘yung mga congressman at senador naman, hindi rin sila maaasahan na maging permanente silang kaibigan dahil kung sino ang nakaupo ang siya nilang kinakaibigan pero pagkatapos ng termino ng pangulo otomatik na silang makikipagkaibigan sa bagong pangulo.
Noong panahon nina Noynoy Aquino at Digong, mabibilang mo lang sa Kamara at Senado ang hindi nila kakampi at nagpapanggap na kaibigan pero noong mawala na sila sa puwesto ay nawala lahat ‘yun dahil naglipatan na sila kay Marcos Jr.
Panay puri ng mga congressman noon kay Digong. Bulag silang lahat sa ginagawa ng dating Pangulo pero ngayon ay pinagtutulungan na siya ng mga mambabatas at ipinagtatanggol naman si BBM. Pagbaba ni BBM, mauulit ‘yan. Promise!
37