WALANG SILBI ANG MWSS

SALIKSIK

NAGKAROON ng biglaang imbestigasyon ang Mababang Kapulungan ng Kongreso noong Marso 18 hinggil sa krisis sa tubig sa bahaging Eastern Zone ng Metro Manila na sakop ng Manila Water.

Maganda ang resulta ng imbestigasyon, sapagkat una ay nalaman natin na labag pala sa kasunduan ng Manila Water at pamahalaan na matigil ang pagbibigay ng tubig sa mga kliyente nito.

Kaya, may kaukulang parusa ang Manila Water sa naganap na krisis sa tubig.

Naisapubliko ang malinaw na isa sa mga nilalaman ng kasunduan ng Manila Water at pamahalaan.

Resulta ito ng pag-amin ng pinuno ng Manila Water na si Ferdinand dela Cruz na hindi nila napanindigan at natugunan ang kasunduan nito at ng pamahalaan na tuluy-tuloy ang serbisyo sa mga kliyente nito.

Idiniin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang malaking pagkakasalang nagawa ng Manila Water na pag-aari at kontrolado ng pamilya-Ayala.

Ngunit, nabunyag sa publiko na ang MWSS na ahensiya ng pamahalaan para sa tubig ay wala palang kapangyarihan na parusahan o ipatupad ang parusa laban sa Manila Water – at maging sa Maynilad Water Services Inc. – nang diretsahang aminin ni MWSS chief regulator Patrick Ty ang usa­ping ito.

Ibig sabihin, bahalang magkuwenta ang Manila Water kung magkano ang babayaran nitong multa sa pamahalaan batay sa haba ng araw na wala silang naibigay na tubig sa kanilang mga kliyente.

Lumilitaw na ang ta­nging trabaho ng MWSS ay bantayan at aprubahan ang mungkahi ng Manila Water o Maynilad na pagtaas sa buwanang bayad ng kanilang mga kliyente sa nagagamit nilang tubig na galing sa Manila Water o Maynilad.

At ang mungkahi ng dalawang kompanya ay hindi puwedeng ipakita sa publiko, sapagkat labag ito sa patakaran ng MWSS.

Malinaw na hindi nito kayang pangalagaan at protektahan ang interes ng publiko.

Malinaw na higit itong nagsisilbi at naglilingkod sa mga may-ari ng Manila Water at Maynilad kaysa mamamayang Filipino.

Malinaw na walang silbi ang MWSS, gayong sobrang tataas ng buwanang sahod ng mga opisyal nito kada buwan.

Kaya, hindi ako magtataka kung pawang mga milyonaryo na ang mga opisyal ng MWSS habang milyun-milyong Filipino sa Metro Manila ang salat at pinagkaitan ng maayos at epektibong serbisyo ng Manila Water at Maynilad. (Saliksik / NELSON S. BADILLA)

183

Related posts

Leave a Comment