WALANG SILBING BATAS

DPA ni BERNARD TAGUINOD

BUKOD sa executive orders at proclamations, halos 12,000 na ang Republic Acts (RA) mayroon ang Pilipinas at patuloy itong nadadagdagan dahil walang tigil ang Kongreso sa paggawa ng batas.

Pero ang nakalulungkot na katotohanan, maraming RA ang walang silbi dahil hindi naipatutupad, hindi ko alam kung sa kawalan ba ng budget o marami lang talagang incompetent sa gobyerno kasama na ang Kongreso.

Tulad na lamang nitong Republic Act (RA) 6716 o Rainwater Collection and Springs Development Law of 1989 na mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas nang maipasa pero kahit isang water collector system ay wala pang naitatayo.

Sa ilalim ng batas na ito, inaatasan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magtayo ng rain water collector sa bawat barangay sa buong bansa pero wala pa akong nabalitaan na may naitayong imprastraktura para rito ang nasabing ahensya.

Layon ng batas na ito na ipunin ang tubig-ulan dahil alam natin na kapag panahon ng tag-ulan ay talagang buhos para kapag umentra ang tag-init lalo na sa panahon ng El Niño ay may magamit na supply na tubig inumin at higit sa lahat ng mga magsasaka sa kanilang taniman.

Ang problema naman sa Kongreso, gawa nang gawa ng batas at nagtatakda sila ng budget sa bawat batas na ipinapasa pero hindi naman nila pinopondohan para maimplementa.

Wala tuloy silbi ang ‘power of the purse’ ng Kongreso dahil kung ano lang ang itinakdang budget ng Department of Budget and Management (DBM) ay iyon lang ang sinusunod nila.

Kung may pagbabago man ay guguluhin ang kamada ng proposed budget ng DBM para pondohan ang pet projects ng mga congressman at senador pero ‘yung mahahalagang mga batas ay nakalilimutang pondohan tulad na lamang nitong rain water collector.

Hindi ba pwedeng pondohan muna ang mga batas na kailangan na kailangan ng mga tao tulad ng pag-iipon ng tubig-ulan bago ang mga proyekto na hindi buong bansa ang makikinabang?

Isang open secret kasi sa Kongreso na kapag mataas ang katulungan ng isang mambabatas ay bilyones ang kanyang pondo at ilalagay ang pondong ito sa kanyang sariling rehiyon.

Halos lahat sila ay gustong mag-iwan ng marka sa kanilang lugar kaya panay ang pagawa ng imprastraktura na ipapangalan sa kanilang mga magulang o lolo’t lola pero sa katotohanan ay hindi buong bansa ang makikinabang.

May mga mambabatas naman ang panay ang pagawa ng kalsada sa kanilang lugar na hindi naman nagtatagal dahil madaanan lang ng mabigat na sasakyan ay sira kaya nasasayang lang ang pera ng bayan.

Ang punto ko dito, bakit hindi muna unahing pondohan ang mga batas na pakikinabangan ng sambayanang Filipino tulad ng water collector system upang may magamit na tubig kapag panahon ng El Niño?

119

Related posts

Leave a Comment