WAN TO SAWANG LAMYERDA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NOONG kasagsagan ng pandemya nakatipid ang gobyerno sa travel expenses dahil walang pinayagang magbiyahe maliban lamang doon sa essential workers pero ngayon mukhang kating-kati sa paglalamyerda ang ilang mga opisyal.

Tulad na lamang itong Office of the President na humingi ng P1.41 billion budget para sa kanilang biyahe sa susunod na taon na mas mataas ng 57% kumpara sa kahalintulad na pondo ngayong 2023.

Sa ganyang kalaking pondo, mukhang gustong ikutin ng First Couple ang buong mundo habang dumarami ang mga Filipino na nagugutom dahil pataas nang pataas ang presyo ng bigas, gulay, at halos lahat ng mga bilihin.

Napaka-insensitive ba talaga ang gobyernong ito at hindi nila ramdam ang mga karaniwang tao na kanilang pinangakuan ng magandang buhay noong panahon ng kampanya kapag sila ang nanalo?

Alam kong mahalaga na pumunta sa ibang bansa ang pangulo para palakasin ang ugnayan ng Pilipinas sa international community at humikayat ng mga negosyante na maglagak ng kanilang puhunan sa bansa.

Pero napakalaki naman ang P1.41 billion gayung kailangan nating magtipid dahil baon na tayo sa utang. Hindi ba dapat bawasan ang entourage ng pangulo kapag siya ay umaalis ng bansa at huwag magbitbit ng sangkatutak na chuwariwariwap?

Noong panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, ang pinakamalaking gastos niya sa biyahe ay noong 2012 na umabot sa P147.2 million lang dahil hindi siya mahilig bumitbit ng mga asungot.

Isa kasi sa nagpapalaki ng gastos sa international trip ang mga asungot na wala namang naii-contribute sa biyahe ng pangulo at walang ginawa sa ibang bansa kundi mag-shopping, kumain sa mamahaling restaurant at maglamyerda habang hinihintay ang pangulo na matapos ang kanyang trabaho.

Kaya limitado ang bilang ng congressmen, senators, secretaries, undersecretaries, assistant secretaries, directors at mga staff ang binibitbit ni PNoy sa kanyang biyahe dahil nakahihiya raw sa taxpayers na gumastos.

Noong panahon naman ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, sagana sa biyahe ang kanyang mga kaalyado kaya napagastos ang taumbayan ng P848 million noong 2009 o isang taon bago matapos ang kanyang termino.

Dapat ding bawasan ang mga biyahe ng mga tao sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno dahil napakarami nilang dinadaluhang kumperensya, pag-aaral at kung ano-ano pang kaek-ekan pero hindi naman nila ina-apply sa bansa ang kanilang mga natutunan kung meron man.

Sa tagal na nilang bumibiyahe lalo na yung organic employees at officers sa mga ahensyang ito, sana umunlad na tayo kung may natutunan talaga sila sa international conference at studies na kanilang dinadaluhan sa ibang bansa kaso wala eh, lalo tayong naghihirap.

76

Related posts

Leave a Comment