OPISINA SA NAPC PINALULUSAW

IPINANUKALA ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes ang pagbuwag sa Senior Citizens Sectoral Council na nasa ilalim ng National Anti-Poverty Commission (NAPC).

Ikinatwiran ni Ordanes sa inihain niyang House Bill 783 na ang mandato ng naturang konseho ay bahagi na ng responsibilidad ng National Commission of Senior Citizens (NCSC).

Paliwanag ng mambabatas, nilikha ang NCSC base sa Republic Act 11350 at isa sa mga mandato nito ay iangat ang uri pamumuhay ng mga edad 60 pataas na nasa laylayan ng lipunan.

Naniniwala ito na mas magiging madali, mabilis at epektibo ang pagtugon sa mga pangangailangan ng senior citizens kapag naisabatas ang kanyang panukala.

Aniya, ang mga maaapektuhang kawani ng NAPC-SCSC ay bibigyan ng mga nararapat na benepisyo.

Samantalang ang natitirang pondo ng konseho ay ibabalik sa National Treasury.

Samantala, nais din ni Ordanes na maamyendahan ang ilang probisyon ng Republic Act 8425, na lumikha sa NAPC-SCSC, upang mas maging malinaw ang depinisyon ng “disadvantaged sectors” na kinabibilangan ng senior citizens.

37

Related posts

Leave a Comment