MALABO nang mapanagot pa ang tiwali sa likod ng overpriced procurement deal para sa mga hygiene kits na pinasok ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa biglaang pagpanaw ng mismong opisyal na itinuturong sangkot sa kontrobersya.
Sa pagpanaw ni OWWA OWWA deputy administrator Faustino Sabarez III, tuluyan na ring namatay ang pag-asang maisiwalat niya ang buong katotohanan sa pagbili ng umano’y mga ‘overpriced’ na COVID-19 sanitary kits para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Nagluksa naman ang buong tanggapang pinagsilbihan ni Sabarez sa ilalim ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, namatay si Sabarez sa Manila Doctors Hospital nitong gabi ng Setyembre 8. Gayunpaman, hindi tinukoy ni Cacdac sa kanyang anunsyo ang sanhi ng pagpanaw ng opisyal.
“With deep sorrow, I convey the unfortunate news that Deputy Administrator Sabarez passed away,” ayon kay Cacdac.
Si Sabarez ang itinuro ni Cacdac na pinuno ng kanilang enhanced community quarantine operations noong Hunyo 2020 na siyang nangasiwa sa kontrobersyal na pagbili ng mga COVID-10 hygiene kits kabilang ang mga sanitary napkins, PPEs at pagkain.
Ayon sa Commission on Audit (COA), overpriced ang nasabing transaksyon. (RENE CRISOSTOMO)
