Oplan Paglalansag Omega umarangkada NPA GUNSMITH NALAMBAT NG CIDG-RFU5 *Online seller nabitag sa Camarines Sur

NAGBUNGA ang matiyagang paniniktik ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group na nakabase sa lalawigan ng Camarines Sur, nang madakip nitong Linggo ang numero unong gunsmith at supplier ng mga baril ng komunistang New People’s Army sa Bicol Region kasunod ng isinagawang law enforcement operation.

Ayon kay P/Col. Glenn Silvio, PNP-CIDG Regional Field Unit 5 Director, matagal na nilang puntirya ang notorious gunsmith na si Fausto Delos Santos Danabar, 46, ng Brgy. Tomagodtod, Calabanga, Camarines Sur.

Nabatid pa kay Col. Silvio, target ng Oplan Paglalansag Omega si Danabar na kilalang tagakumpuni at supplier din ng baril ng mga rebeldeng CPP-NPA na kumikilos sa Bicol Region.

Nabatid na makaraang mahawakan nila ang warrant of arrest na inilabas ni Hon. Erwin Virgilio P. Ferrer, Executive Judge ng RTC Branch 63, Calabanga, Camarines Sur na may petsang Hulyo 22, 2021 dahil sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ay inilunsad agad ang Oplan Paglalansag Omega laban sa suspek.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PNP-Police Regional Office 5 Director P/Brig General Jonnel C. Estomo bandang alas-5:55 ng umaga, ipinatupad ang law enforcement operation laban sa suspek ng pinagsanib na pwersa ng mga ahente ng CIDG Camarines Sur PFU (lead Unit), Intel Sec CIDG RFU5, Philippine Navy NavForSol (Naval Forces Southern Luzon) katuwang ang Calabanga Municipal Police Station, sa Barangay Tomagodtod.

Kabilang sa nakumpiskang mga ebidensiya ang mga sumusunod:

isang cal. 45; isang hand grenade; dalawang cal. 38 revolver; isang cal. 38 revolver; isang cal. 38 revolver; dalawang upper receiver para sa cal. 22 rifle; isang receiver para sa cal. 22 rifle; dalawang steel magazine for cal. 22; dalawang steel magazine para sa cal. 45; dalawang upper receiver para sa shotgun, at iba’t ibang mga bala.

Kilala si Danabar na tagakumpuni ng mga sirang baril ng NPA na kumikilos sa area at taga-supply at bumibili rin ng baril mula sa mga kasapi ng kilusan.

Pansamantalang inilagay sa kustodiya ng Camarines Sur PFU ang suspek at ang nasamsam na mga baril.

Samantala, nabitag sa ikinasang law enforcement operation ng PNP-CIDG RFU5 ang isang online seller na ilegal na nagbebenta ng COVID-19 drugs sa Brgy. San Francisco, Naga City noong Biyernes.

Kinilala ni P/Col. Glenn Silvio, PNP-CIDG Regional Field Unit 5 Director, ang arestado na si Cecelia Catacutan y Armendi, 27, may asawa, at residente ng #25, Zone 5, Princeton St., Monterey Village, Concepcion Pequeña, Naga City.

Ang nasabing suspek ay nadakip makaraan ang ikinasang buy-bust operation sa loob ng Admin Office ng Centro Square Building sa Brgy. San Francisco, Naga City.

Napag-alaman, nagkasa ang mga detective ng CIDG Camarines Sur PFU (lead unit), SOG CIDG RFU5, PS1 ng NCPO at FDA Region 5, ng buy-bust operation dahil sa paglabag sa RA 3720 as amended by RA 9711 (Food and Drug Administration Act of 2009) na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek habang ibinibenta ang Ivermectin at Lian Hua products sa police poseur buyer sa halagang P16,000.

Bago ang operasyon, dalawang test buy sa nasabing mga produkto ang isinagawa na ang transaksyon ay sa pamamagitan ng online sa isang nagngangalang Joel Yao at dinala naman ang nasabing mga produkto ng sekretarya umano nito na si Catacutan sa pulis na umaktong buyer sa nabanggit na lugar.

Ang nasabing items na nakuha sa test buy ay isumite sa Regional Office 5 ng FDA para sa verification at ayon sa product verification certificate na inisyu ng FDA, IVM15MG0622, ang nasabing mga produkto ay hindi rehistrado (No Granted Compassionate Special Permit) habang ang nagngangalang si Joel Yao ng Naga City, ay walang License to Operate (LTO) para magbenta ng nasabing health products.

Nakumpiska sa suspek na si Catacutan ang 20 kahon ng Lian Hua; 200 piraso ng kapsula ng Ivermectin, at ang buy-bust money.

Ang arestadong suspek ay dinala na sa Camarines Sur PFU para sa documentation and proper disposition. (JESSE KABEL)

158

Related posts

Leave a Comment