NANAWAGAN sa lahat ng mga opisyal ng pamahalaan si ACT-CIS Party-list Representative Rowena Niña Taduran na pag-ibayuhin ang pagpapalaganap ng kaalaman at isulong ang mas organisadong pagbabakuna laban sa COVID-19 sa mamamayan.
Ayon sa House Asst. Majority Leader, nakapagpapagulo lamang sa kasalukuyang sitwasyon ang mga salita kaugnay sa diumano ay pagtanggi ng mamamayan na magpabakuna.
“I don’t believe there’s a massive vaccine hesitancy in Filipinos. The problem lies in the lack of supply and vaccinators and the vaccination process is mostly disorganized,” ayon kay Taduran.
Sinabi ng mambabatas na ang mababang bilang ng matatanda o priority A2 group sa pagpila para sa kanilang bakuna ay bunga ng hindi organisado at kulang ang maayos na pasilidad sa pagbabakuna.
“Papipilahin mo sina lolo at lola sa isang mainit na lugar para mabakunahan. Bukod sa init, hirap na yan sa matagal na pagtayo o pag-upo. Bakit hindi ang gawin ng LGU ay magbahay-bahay na sa pagsasaksak ng bakuna sa kanila para hindi na kailangang lumabas? O kaya ay ipatupad ang drive thru vaccination katulad sa Maynila, gamit ang sasakyan ng barangay na susundo sa kanila sa bahay?” ani Taduran.
Ipinanukala rin ng mambabatas na makipag-ugnayan ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa mga botika sa kanilang lugar para doon isagawa ang pagbabakuna.
“We need all the help that we can get to fast track the vaccination as the Delta variant spreads in the country. Hindi kasalanan ng mga senior citizens at iba pang priority groups kung bakit hindi pa rin sila nababakunahan hanggang ngayon. Maraming nakapila para sa schedule, wala namang tumatawag sa kanila,” ayon kay Taduran.
Batay sa data ng WHO Philippines, 25% o 2.1 milyon pa lamang na mga senior citizen ang tapos na sa kanilang bakuna, na ang ibig sabihin ay may 6.4 milyon pang matatanda ang nasa malaking panganib na maging malala sakaling magkaroon ng COVID-19. (CESAR BARQUILLA)
