OSPITAL SA CAVITE PUNUAN NA

SIKSIKAN na ang mga pasyente sa mga ospital sa lalawigan ng Cavite pagpasok ng bagong taon na sinabayan ng pagsipa ng kaso ng COVID-19.

Kahapon, halos nasa full capacity na ang Pagamutan ng Dasmarinas matapos makapag-admit ng 50 pasyente na tinamaan ng COVID-19.

Sa panayam sa Medical Officer na si Dr. Luisa Caguingan, sinabi nito na 90 health workers din nila ang naka-home quarantine matapos magpositibo sa naturang virus.

Sinabi naman ni Dr. Edgardo Figueroa ng Ospital ng Imus na limitado na rin ang mga serbisyo sa kanilang pagamutan dahil 15 staff nito ang nagpositibo sa coronavirus.

Bunga nito, apektado maging ang ilang pasyenteng nais magpa-opera dahil maaantala ang procedure upang bigyang-daan muna ang emergency cases tulad ng manganganak.

Maging ang kanilang ICU ay pansamantalang isinara upang makatulong ang ibang staff sa ibang departamento.

Pinaghahandaan naman ng lokal na pamahalaan ang posibleng pagsasailalim sa granular lockdown sa mga lugar na may mataas na COVID-19 cases.

Sa huling ulat, may 400 bagong active cases sa Imus.

Mananatili ang Cavite sa Alert level 3 mula Enero 5 hanggang 15, 2022. (CYRILL QUILO)

260

Related posts

Leave a Comment