(BERNARD TAGUINOD)
MAHIGIT 8,000 na ang bilang ng overseas Filipino workers (OFWs) na tinamaan ng nakamamatay at wala pang lunas na human immunodeficiency virus (HIV).
Ito ang kinumpirma kahapon ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor hinggil sa sitwasyon ng HIV sa hanay ng mga Filipino na nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng mundo.
“The aggregate number of OFWs living with HIV has reached 8,081 with the addition of 83 newly confirmed cases in June,” ani Defensor.
Mula Enero hanggang Hunyo 2021 ay umaabot sa 382 ang OFWs na nagpositibo sa HIV, mas mataas sa 250 HIV cases na naitala ng kaparehong panahon noong isang taon na indikasyon na hindi mapigilan ang pagdami ng HIV positive sa hanay ng mga OFW.
Kasama ang mga ito sa kabuuang 6,043 bagong kaso ng HIV mula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan kaya umaabot na umano sa 88,108 Filipino ang nagkaroon ng HIV kung saan 9.2 percent dito ay OFWs.
Sa nasabing bilang, 7,045 o katumbas ng 87% ay lalaking OFWs na median age ay 32-anyos habang 1,036 naman ang mga babae na 34-anyos ang edad.
Karamihan aniya sa mga ito ay nakuha ang sakit sa pamamagitan ng sexual contact partikular na sa tinawag na male-to-male sex.
Dahil dito, ipinaalala ng mambabatas sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tulungan at suportahan ang mga OFW na nagkaroon ng HIV upang humaba ang buhay ng mga ito.
“Under the AIDS Prevention and Control Law of 2018, the OWWA is expected to provide a stigma-free comprehensive reintegration program for OFWs living with HIV, including economic, social, and medical support for them, regardless of their employment status and stage in the migration process,” ayon kay Defensor.
Kung masusuportahan aniya ang mga HIV positive ay magtatagal ang buhay ng mga ito lalo na kung sapat ang supply ng antiretroviral therapy (ART) na pangunahing gamot upang hindi mauwi sa Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS).
Sa ngayon ay 51,129 Filipinos ang namumuhay na may HIV kabilang na ang 11,778 na may advanced infection at naggagamot ng ART at umaabot na umano sa 4,806 mula 1984 kasama ang 308 na nasawi sa nasabing sakit sa unang tatlong buwan ng taong kasalukuyan.
