AABOT sa 200 toneladang taklobo na tinatayang P1.2 bilyon ang halaga, ang nasabat ng pinagsanib na mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), PCSD, PNP-Maritime Group Palawan, AFP Intelligence Operatives at Bantay Dagat sa ikinasang operasyon sa Sitio Green Island, Barangay Tumarbong, Roxas, Palawan.
Base sa ulat ni PCG District Palawan commander, Commodore Genito Basilio, ito ang pinakamalaking huli ng ilegal na taklobo sa lugar.
Arestado ang mga suspek na kinilalang sina Rey Cuyos, 54; Rodolfo Rabesa, 48; Julius Molejoa, 48, at Erwin Miagao, 40-anyos.
Dinala ang apat sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) kung saan isasalang sa inquest proceedings para sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Napag-alaman, nakatanggap ng impormasyon ang PCG kaugnay sa ilegal na aktibidad ng grupo kaya ikinasa ang pagsalakay sa imbakan ng mga taklobo. (RENE CRISOSTOMO)
164
