QUEZON – Arestado ang dalawang lalaki at nasamsam ang tinatayang P1.4 milyong halaga ng ilegal na droga sa isinagawang isang buy-bust operation ng pulisya sa bayan ng Mauban sa lalawigan noong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang mga suspek na sina Rico, 50, isang magsasaka at residente ng Brgy. 6, Lucban, at Yeyey, 47, laborer at residente ng Brgy. Cagsiay 1, Mauban.
Ayon sa ulat ng Mauban Police, dakong alas-1:20 ng madaling araw nang isagawa ng Mauban Municipal Drug Enforcement Team (MDET) ang operasyon sa Sitio Malaking Aluhin, Barangay San Lorenzo.
Sa nasabing lugar ay nahuli sa akto ang mga suspek habang nagbebenta ng ilegal na droga sa isang poseur-buyer, at nakumpiskahan
68.1 gramo ng umano’y shabu at drug paraphernalia.
Kasalukuyang nakadetine ang mga suspek sa custodial facility ng Mauban Police Station at inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga ito. (NILOU DEL CARMEN)
