LAGUNA – Tinatayang P1 milyong cash ang natangay ng hindi kilalang mga armado makaraang holdapin ang general manager ng isang gaming company habang sakay ng kanyang kotse sa provincial road sa Barangay Calumpang sa bayan ng Liliw sa lalawigang ito, noong Lunes ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Garry Boy Vallejo, general manager ng Gallotech Venture Inc.
Batay sa report ng Liliw Police, hinarang ang biktima ng mga suspek na armado ng baril na sakay ng isang puting van habang ito ay bumibiyahe patungo sa Sta. Cruz, Laguna dakong alas-2:00 ng hapon noong Lunes.
Tatlo sa mga mga suspek ang sumakay sa kotse ng biktima at kinomando ito patungo sa mga bayan ng Nagcarlan at Calauan.
Pagsapit nila sa kakahuyang gilid ng highway patungo sa Calauan, iginapos ang mga kamay at piniringan ng mga suspek ang biktima at saka iniwan.
Tinangay ng mga suspek ang tinatayang P1 milyong cash na koleksyon ng kompanya mula sa mga sabungan sa bayan ng Rizal, Alaminos at San Pablo City sa Laguna at sa sabungan sa Batangas City.
Nasagip naman ng mga tauhan ng Alaminos Police ang biktima noong Martes ng madaling araw. (NILOU DEL CARMEN)
